LOS ANGELES – Nagpapawis muna si Manny Pacquiao bago tuluyang isinara ang training camp sa Wild Card Boxing Club, araw ng Lunes dito.
Kinatanghalian, bumiyahe
na si Pacquiao at buong pamilya, training staff, at buong Team Pacquiao entourage at maging ang mediamen patungong Las Vegas, lugar kung saan niya haharapin ang hamon ni Yordenis Ugas ng
Cuba sa Sabado (Linggo sa Manila, Agosto 22) sa T-Mobile Arena.
Mahigit isang buwang nag-training si Pacquiao rito para paghandaan ang orihinal na kasagupang si Errol Spence Jr.
Nang halos isang linggo na lang at fight week na, nagtamo ng eye injury si Spence at ipinalit si Ugas.
Mula sa pagsasanay laban sa kaliweteng kalaban, agad ding nag-switch si Pacquiao sa paghahanda sa isang orthodox na si Ugas.
Hindi naman ito naging isyu, ayon kay Pacquiao, dahil madali naman siyang nakapag-adjust.
Si Ugas ang iniakyat ng WBA bilang ‘regular’ champion, matapos tanggalin kay Pacquiao ang titulo bunga nang pagiging inactive.
Dalawang taong hindi lumaban ang 42-anyos na si Pacquiao, na ang huling akyat sa ring ay noon pang 2019 nang talunin si Keith Thurman sa Las Vegas din.
“I feel great,” sambit ni Pacquiao, Linggo ng gabi sa kanyang tahanan. “Nag-iingat lang talaga ako sa mga tao dahil sa COVID-19, mahirap na kasi malapit na ang laban.”
“As for the fight, I think my team and I did everything in the camp and I will bring all our efforts in the ring,” lahad pa ng Fighting Senator.
Ayon kay Pacquiao, tulad sa mga nakalipas niyang laban, ibinuhos niya ang lahat sa training na animo huling laban na niya.
“I still love what I am doing, I still enjoy everything and I only focus on giving the fans an exciting fight as if it would be my last fight,” sabi niya.
Hindi inaasahan, maging ni Spence, na magkakaroon siya ng eye injury. Sa kabila nito ay agad nakakuha ng kapalit niya sa katauhan ni Ugas, bronze medalist sa 2008 Beijing Olympics. (VT ROMANO)
