TULAD ng inaasahan sa nalalapit na kapaskuhan, naging masigasig ang tangkang pagpupuslit ng mga pinaglumaang kasuotan, bagay na napaghandaan ng Bureau of Customs (BOC) na minsan pang nakasabat ng iligal na kargamento sa bayan ng Matnog sa lalawigan ng Sorsogon.
Sa isang joint operation ng Port of Legazpi kasama ang Philippine Coast Guard (PCG), nasabat ang isang trak na naglululan ng P5.1-milyong halaga ng mga iba’t ibang klase ng mga pinaglumaang kasuotan na nakatakda na sanang ibiyahe sa patungo sa Davao City.
Sa imbestigasyon ng nasabing Puerto, galing umano sa isang bodegang bagsakan ng ukay-ukay sa Quezon City ang mga nasabing kargamento, base na rin sa mga dokumentong ipinrisinta ng mga indibidwal na lulan ng nasabing trak.
Agad namang nagpatupad ng imbentaryo ang tanggapan ng BOC sa Port of Legazpi para sa angkop na disposisyon at pagwasak ng mga nasabing kargamento.
Sa imbentaryong isinagawa ng nakatalagang Customs Examiner, lumalabas na 449 bulto ang kabuuang dami ng mga kumpiskadong ukay-ukay.
Kasong paglabag naman sa Republic Act 4653 (Anti Ukay-Ukay Act) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act ) ang isasampa laban sa negosyante, drayber at pahinante.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pag-angkat ng ukay-ukay na batay sa pag-aaral ay posibleng pagmulan ng mga nakakahawang karamdaman – tulad ng nakamamatay na COVID-19.
Pagtitiyak ni District Collector Arthur Sevilla, mas paiigtingin pa ng kanilang tanggapan ang mahigpit na pagbabantay sa mga iligal na kalakal lalo pa’t inaasahan ang pagdagsa ng mga bagahe at kargamento sa tuwing sasapit ang kapaskuhan. (JOEL AMONGO)
254 