BASAHIN muna ang kabuuan ng artikulo, bago magbigay ng reaksyon. Malimit kasing mabilis magbigay ng komentaryo o opinyon ang ilang mambabasa na ang nakikita pa lamang ay ang titulo ng artikulo o ng balita.
Marahil ay marami ng nagtatampo sa akin na mga “distressed” OFW at advocacy leaders na humihingi sa akin ng tulong. Nuong nakaraang buwan, sa tuwing oras na may humihingi ng tulong upang sila ay i-rescue mula sa kanilang mga employer, ay lagi kong sinasabi na kung hindi naman nakalagay sa bingit ng kamatayan ang kanilang sitwasyon ay dagdagan na muna ng konting pagtitiis at manatili muna sa kanilang mga employers o amo.
Ilan kasi sa mga humihingi ng tulong para maitakas mula sa kanilang arabong amo ay dahil lamang sa tapos na ang kontrata, napapagod o over-worked, kulang sa pagkain, may masamang pakiramdam at ang pinakamarami sa kanila ay dahil natatakot na magkaroon ng COVID-19 virus.
Sa mga humihingi ng tulong sa akin, ay malimit na hindi ko sila ini-enganyo na magtungo sa bahay kalinga ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Hindi dahil ayaw ko silang tulungan sa kanilang pinagdaraanan na problema, bagkus upang huwag ng madagdagan pa ang kanilang magiging posibleng problema.
Nagkatotoo na nga ang matagal ko ng kinatatakutan na posibleng magkaroon ng pagkahawa-hawa ang mga distressed OFW sa loob ng POLO, OWWA Shelter. Kamakailan ay nagpalabas nang anunsiyo ang POLO sa Qatar, na kanilang pansamantalang isasara ang Bahay Kalinga. Ito ay matapos na magkaroon ng COVID-19 positive ang halos 116 na mga distressed worker na nasa kanilang pangangalaga.
Nasundan din ito ng pagkakaroon ng mahigit na 50 distressed OFW na nagpositibo rin sa loob ng bahay kalinga sa POLO – Jeddah, Saudi Arabia. At kung magpapatuloy ang pagbugso o pagtungo ng mga distressed OFW sa mga bahay-kalinga ay mas malamang na magkakaroon din ng ganitong pagkalat ng COVID-19 virus sa iba pang mga bahay-kalinga sa ibang bansa.
Kamakailan nga ay aking nakausap ang OWWA Welfare Officer sa Kuwait na si Atty. Llewelyn Perez at damang-dama ko ang kanyang labis na pangamba na hindi imposibleng mangyari sa OWWA Shelter sa Kuwait ang nangyayaring pagkalat ng virus sa loob ng shelter sa Qatar at Jeddah, KSA.
Kaya bilang kinatawan ng OFW Land Based Sector sa OWWA Board of Trustees, ay agad akong nagmungkahi kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na agad na pauwiin na ang mga nasa shelter sa Kuwait bago pa matiyempuhan na may makapasok na distressed workers na positibo sa COVID-19 virus.
Kakaiba ang panahon at pagkakataon sa ngayon ng dahil sa krisis na dulot ng COVID-19 virus. Mas mainam na dagdagan na muna ng konting pagtitiis at pang-unawa. Higit sa lahat, kung hindi rin lamang nasa bingit ng kamatayan ang sitwasyon na maari rin naman itawag nadirekta sa pulisya, ay huwag na muna magtungo sa POLO at OWWA lalo na kung mayroon na itong karamdaman.
