Utang na bilyong won sa bangko tinakasan WANTED NA KOREANO ARESTADO SA MINDANAO

BINITBIT ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Koreano na wanted sa kanilang bansa dahil sa panggagantso sa bangko ng isang bilyong halaga ng won.

Base sa ulat ni NBI-Intelligence Officer Melody Penelope Gonzales, inaresto ng mga tauhan ng BI Mindanao Intelligence Task Group (MITG), sa koordinasyon ng National Bureau of Investigation, ang suspek na kinilalang  si Lee Sanghun, 61-anyos, naninirahan sa  Calinan District, Davao City.

Napag-alaman ng nasabing ahensya na may rekord  si Lee sa Interpol wanted list at isang takas na pinaghahanap ng pamahalaan ng South Korea.

Gayunman, dahil sa inilabas na warrant of arrest na inisyu noong 2020 ng Gunsan Branch, Jeonju District Court of South Korea, nagsagawa ng surveillance operation ang BI sa kinaroroonan ng suspek.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng mga awtoridad na tinangay umano ni Lee ang kabuuang 350 milyong won o katumbas na P15.2 milyon sa isang banko.

Ayon pa sa imbestigasyon, noong 1998 hanggang 1999, makaraan itong umutang ng mahigit sa isang bilyong won o katumbas na P43 milyon, tinakasan nito ang kanyang obligasyon at dito sa Pilipinas nagtago ang Koreano.

Kasong paglabag sa Korea’s Criminal Act 347-(1) ang kinahaharap ng suspek at lumitaw sa pagsisiyasat ng BI na sangkot din ito sa illegal online gambling at ilegal na pagmimina sa Davao City.

Matapos masakote si Lee, iniutos ni BI Commissioner Jaime Morente ang deportasyon ng suspek upang harapin ang mga kaso sa South Korea at inilagay siya sa blacklist para hindi na makapasok muli ng bansa. (RENE CRISOSTOMO)

262

Related posts

Leave a Comment