ANG mga kinatawan ng United Transport Coalition Philippines, Inc. (UTCPI) sa pangunguna ni UTCPI President Lisza Buscaino-Redulla (ikalawa mula kanan) kasama si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor Mendoza (ikatlo mula kaliwa).
NAGPAHAYAG ng pangamba ang United Transport Coalition Philippines, Inc. (UTCPI) sa umano’y maagang pagpapatupad ng oil price adjustments na agad nagpapabigat sa mga driver at maliliit na operator.
Ayon sa grupo, ang pagtataas ng presyo kahit hindi pa aktuwal na nararamdaman ang paggalaw ng gastos sa merkado ay nagdudulot ng hindi patas na pasanin sa sektor ng transportasyon.
Ipinaliwanag ni UTCPI President Lisza Buscaino-Redulla na may mga imbentaryo ang fuel companies na nabili sa mas mababang presyo, kaya’t ang maagang pagtaas ng retail price ay nagiging premature adjustment na direktang ipinapasa sa konsyumer.
“Unang tinatamaan at pinakamabigat ang epekto sa mga public transport driver. Bawat taas ng diesel o gasolina, bawas agad sa kita nila,” ani Buscaino-Redulla.
Giit ng UTCPI, bagama’t deregulated ang oil industry sa ilalim ng Republic Act No. 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation Act, hindi ito lisensya para magtaas ng presyo na hindi nakaangkla sa aktuwal na gastos ng supply.
Nanawagan ang grupo sa Department of Energy (DOE) na paigtingin ang monitoring at transparency sa fuel pricing, kabilang ang beripikasyon ng inventory at acquisition costs.
“Hindi dapat nakaasa sa speculation ang fuel pricing. Dapat nakaangkla ito sa tunay na galaw ng gastos,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, kinumpirma ng UTCPI na naghain sila ng petition for fare increase para sa motorcycle taxi sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Marso 12, 2026.
Ayon sa grupo, lipas na ang kasalukuyang fare matrix na itinakda pa noong pilot run ng motorcycle taxi program noong 2019.
Sa datos ng UTCPI, ang rider na bumibiyahe ng hanggang 10 oras kada araw ay kumikita ng P1,700 hanggang P2,200 gross, ngunit bumabagsak sa P160 hanggang P660 na net income matapos ibawas ang komisyon, gasolina, maintenance, amortization, pagkain at mobile data.
Dahil dito, iginiit ng grupo na hindi na sapat ang kita para sa disenteng kabuhayan ng mga rider na araw-araw nakikipagsapalaran sa kalsada.
“Malaki na ang papel ng motorcycle taxi sa transport system, pero ang kita ng rider ay nakaangkla pa rin sa lumang fare matrix,” ani Buscaino-Redulla.
Binigyang-diin din ng UTCPI na may kapangyarihan ang LTFRB sa ilalim ng Executive Order No. 202 na magtakda at mag-adjust ng makatarungang pamasahe upang matiyak ang sustainability ng operasyon.
Sa huli, nanawagan ang grupo ng patas na fuel pricing at makatarungang pasahe upang maprotektahan ang mga driver at commuter.
“Hindi dapat gawing shock absorber ng oil price volatility ang mga driver at pasahero,” giit ni Buscaino-Redulla.
Muling iginiit ng UTCPI ang kahandaan nitong makipagtulungan sa Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensya para isulong ang reporma sa transport sector.
47 