Utos ng Presidente na ubusin at papanagutin ang lahat ng sangkot sa korapsiyon – Sec. Dizon

MANILA– Sa gitna ng malawakang kilos-protesta sa Edsa Shrine at Luneta Park, binigyang-diin ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “ubusin at panagutin” ang lahat ng sangkot sa korapsyon sa bansa.

Nag-ugat ang mga protesta sa isyu ng maanomalyang substandard flood control projects na kinasasangkutan umano ng ilang tiwaling DPWH officials, mga contractor at mismong mambabatas.

Ayon kay Dizon, hindi titigil ang ahensya hangga’t hindi natutupad ang direktiba ng Pangulo laban sa katiwalian kaugnay ng mga flood control project.

“Importanteng malaman ng gobyerno ang saloobin ng taumbayan. Makakaasa po sila na lahat ng direktiba ng Pangulo na walang sasantuhin at kailangang managot ang dapat managot ay wala tayong tigil na gagawin,” aniya.

Ipinahayag ni Dizon na agad nang kumilos ang DPWH alinsunod sa utos ng Pangulo, naghain na ito ng tatlong kaso sa Ombudsman, 26 indibidwal na ang nakasuhan, tatlong opisyal ang na-dismiss, habang 17 pa ang sinuspinde at nakatakdang maalis sa serbisyo sa mga susunod na araw.

“Kagaya po ng sinabi ng Pangulo, kailangan mula taas hanggang baba ay kinakailangang managot,” dagdag ni Dizon, sabay pahayag ng suporta sa mga hinaing at panawagan ng mga nagpoprotesta.

Kamakailan ay itinatag ni Pangulong Marcos ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang malalimang siyasatin ang mga anomalya sa flood control at iba pang infrastructure projects upang labanan ang korapsyon.

“They will not be spared. We have no favorites, no one we are protecting. No one will believe it until it is actually done,” aniya.

Tinatayang 210 grupo ang lalahok sa “Trillion Peso March” sa EDSA Shrine kabilang ang mga unibersidad, kabataan, civil society, at simbahan. Sa Luneta Park naman, ayon sa Manila DRRMO, mahigit 49,000 katao ang dumalo sa umaga para mag-protesta laban sa katiwalian.

6

Related posts

Leave a Comment