ISA ang namatay dahil sa COVID -19 sa Valenzuela City noong Enero 23, ang ika-264 na binawian ng buhay sa lungsod dahil sa pandemya.
Dalawampu’t isa naman ang bagong nagpositibo sa nasabing sakit sa siyudad at 76 ang gumaling, kaya’t 208 na lamang ang active cases sa lungsod.
Sa lungsod naman ng Navotas ay walo ang gumaling, anim ang bagong nagpositibo at 83 ang active cases.
Lima ang nakarekober sa COVID-19 sa Malabon City, walang naitalang bagong kaso at 56 ang active cases.
Samantala, magtutulungan ang Diocese of Caloocan at Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa implementasyon ng komprehensibong COVID-19 vaccination plan ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Oscar Malapitan.
Sa isinagawang zoom meeting kasama ang mga kapitan ng bawat barangay, nagpahayag ng suporta si Diocese of Caloocan Bishop Pablo Virgilio David kay Malapitan hinggil sa binubuong programa ng Pamahalaang Lungsod sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Tutulong ang Diocese of Caloocan, sa pamamagitan ng dagdag na volunteers, sa pagbuo ng vaccination teams, partikular na ang mga may kasanayan at background sa medisina.
Bukod dito, tutulong din sila sa pagsasagawa ng pre-online registration and survey upang malaman ang saloobin ng mga mamamayan hinggil sa bakuna. (ALAIN AJERO)
