VILLAR: GAWING PERMANENTE MATATAGAL NANG NAGSISILBING JOB ORDER AT KONTRAKTWAL SA PAMAHALAAN

MANILA — Ipinanawagan ni Senator Camille Villar sa pamahalaan na tuldukan na ang paulit-ulit na job order at kontraktwal na sistema sa gobyerno, kasabay ng pagpuno sa libu-libong bakanteng posisyon sa iba’t ibang ahensya.

Sa gitna ng deliberasyon ng panukalang 2026 national budget, binunyag ng Civil Service Commission (CSC) na mahigit 83,000 posisyon sa gobyerno ang nananatiling bakante — at marami rito, higit 15 taon nang hindi nababago ang qualification standards.

“Ang bawat bakanteng posisyon ay katumbas ng mabagal na serbisyo, mas mabigat na trabaho para sa iba, at sayang na buwis ng taumbayan,” diin ni Villar.

“Ang pinakamabisang paraan para mapaunlad ang serbisyo publiko ay tulungan at kilalanin ang mga mismong nagpapatakbo nito — ang ating mga job order at kontraktwal na empleyado.”

Kasabay nito, inihain ni Villar ang “Regularization of Work Engagement in Government Service Act,” na layong bigyan ng permanenteng posisyon at civil service eligibility ang mga kwalipikadong manggagawang matagal nang nagseserbisyo sa gobyerno — sa ilalim man ng casual, contractual, job order, o contract of service na sistema.

Sa panukala, ang mga nakapagsilbi ng 5 taon pataas sa mga national government agencies, GOCCs, at SUCs — o 10 taon sa mga LGU — ay maaaring italaga bilang regular employees.

Inaatasan din ang mga ahensya na makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) para baguhin ang staffing pattern na kailangan sa regularisasyon.

(DANNY BACOLOD)

45

Related posts

Leave a Comment