VIRAL RIDER NA MAY ANGKAS NA BATA, IPINATAWAG NG LTO

BATAY sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na mahigpit na ipatupad ang mga panuntunan sa kaligtasan sa kalsada, ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Acting Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang rehistradong may-ari ng motorsiklo na nakita sa viral post sa social media kasama ang dalawang back riders, kabilang ang isang menor de edad.

Sinabi ni LTO chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, dismayado siya sa inilarawan niyang pagiging iresponsable ng ilang tao na nakompromiso ang kaligtasan ng tila miyembro ng pamilya, lalo na ng isang bata.

“Ang motorsiklo ay naglalakbay sa isang abalang kalsada at habang ang sakay at ang isa sa dalawang back riders ay may helmet, ang bata na nakaupo sa gitna ay walang helmet o anomang kagamitan sa proteksyon,” sabi ni Asec. Mendoza.

“In the spirit of due process, we already summoned the registered owner of the motorcycle for him to explain whether or not he was the one driving the motorcycle at kung siya nga ‘yun ay kailangan niyang ipaliwanag din kung bakit hindi siya dapat maparusahan,” dagdag pa nito.

Na-monitor ng LTO social media team ang viral post at kinilala ng ahensya ang rehistradong may-ari batay sa nakuhang impormasyon mula sa larawan.

Ang rider ay nahaharap sa mga kasong administratibo dahil sa pagsakay ng higit pang mga pasahero maliban sa backride, sa pagkabigong atasan ang backride na magsuot ng Standard Protective Helmet at pagiging isang hindi wastong tao para magpatakbo ng motor vehicle.

Ang rehistradong may-ari ay hiniling na humarap sa LTO Central Office noong Oktubre 2 at dala ang nakasulat at notarized na paliwanag.

“Sa pansamantala, ang Honda Click na may Plate No. 430-UTN ay inilagay sa ilalim ng alarma habang nasa ilalim ng imbestigasyon dahil sa kalubhaan ng mga paglabag na ginawa,” ayon sa show cause order na nilagdaan ni LTO Intelligence and Investigation Division chief Renante Melitante.

Kapag natukoy na ang pagkakakilanlan ng rider, agad na magkakabisa ang 90-araw na preventive suspension sa kanyang lisensya sa pagmamaneho.

(PAOLO SANTOS)

70

Related posts

Leave a Comment