VP SARA NAMUMURO SA NON-BAILABLE CASES

(BERNARD TAGUINOD)

NAMUMURO si Vice President Sara Duterte, kasama na ang matataas na opisyales ng Office of the Vice President (OVP) at mga dating tauhan nito sa Department of Education (DepEd), sa mga kasong walang piyansa dahil sa confidential funds na hindi umano nito ginamit nang maayos.

Ito ang opinyon ng mga miyembro House Committee on Good Government and Public Accountability bago tuluyang isinara ang pagdinig sa confidential funds ng OVP at DepEd na dating pinamunuan ni Duterte.

Ayon kina Surigao del Norte Rep. Johnny Pimentel, House assistant majority leader Jil Bongalon at Batangas Rep. Gerville Luistro, bukod sa perjury, graft and corruption at bribery ay pwedeng sampahan ng kasong plunder at malversation to falsification na pawang walang piyansa si Duterte at mga tauhan nito.

Sinabi ni Pimentel, malinaw na gawa-gawa lamang ng DepEd officials noong panahon ni Duterte sa nasabing ahensya ang mga pangalang tumanggap ng confidential funds tulad nina Mary Grace Piattos, Kokoy Villamin at mahigit 400 iba pa.

“Ang falsification po ay when public officers, tulad po ng ating mga resource persons na naimbita noong nakaraang mga hearing, take advantage of their positions and falsified documents,” ani Pimentel.

Sinabi naman ni Bongalon na naestablisa umano sa walong pagdinig ng komite na nagkaroon ng technical malversation dahil hindi ginamit sa intelligence gathering ang confidential funds ng OVP at DepEd.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil lumabas sa pagdinig na hindi nakatanggap ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng confidential funds sa DepEd taliwas sa report ng mga tauhan ni Duterte sa Commission on Audit (COA) na nagbigay ang mga ito ng P15 million sa Philippine Army para sa kanilang Youth Summit.

“Simply stated, it means that an accountable officer applies public funds to another purpose. Kahit public purpose pa ‘yan, which is different from which they were originally appropriated for by law or ordinance. Sa madaling salita, ginamit sa iba ang pera ng taumbayan,” ani Bongalon.

“Kapag hinanap sa ‘yo kung nasaan ‘yung funds or nasaan napunta at wala kang masagot, the law presumes na binulsa mo,” dagdag pa ng kongresista kaya pasok ito sa kasong plunder ng walang piyansa.

Inayunan naman ito ni Luistro lalo na’t inamin ng mga Special Disbursing Officer (SDO) ni Duterte sa OVP at DepEd na sina Gina Acosta at Edward Fajarda na hindi nila alam kung saan napunta ang pera dahil ibinigay nila ito sa kanilang mga security officer base sa direktiba ng Pangalawang Pangulo.

“In addition to the offenses raised already by our esteemed colleagues, I wish to add perjury,” dagdag pa ni Luistro dahil sinertipikahan ng OVP at DepEd ang mga dokumentong isinumite ng mga ito sa COA kung saan nila ginamit ang kanilang confidential funds.

“And ang lahat ng pagsisinungaling while under oath, we call it perjury,” paliwanag pa ng mambabatas.

149

Related posts

Leave a Comment