WAIVER NI GARCIA ‘BLUFF’ – MARCOLETA

TINAWAG ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta na pampa-bluff ang waiver ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia sa Bank Secrecy Law dahil hindi sakop ng batas na ito ang mga deposito sa mga bangko sa labas ng Pilipinas.

Gayunpaman, ikinatuwa ni Marcoleta ang pangako ni Garcia na makipagtulungan sa nakatakdang imbestigasyon ng Mabang Kapulungan ng Kongreso hinggil sa offshore account ng isang Comelec official na umaabot umano ng halos isang bilyong piso.

Matapos ang expose’ ni Marcoleta noong nakaraang linggo, sumulat sa National Bureau of Investigation (NBI) si Garcia para imbestigahan ang umano’y offshore accounts sa Singapore, United States, China/Hong Kong at Caribbean.

“According to Republic Act (RA) 1405, or the Bank Secrecy Act, a valid waiver only applies to banks operating in the Philippines. In the case of offshore bank accounts, a court order is required to compel a foreign jurisdiction to look into suspicious transactions,” paliwanag ng mambabatas.

Dahil dito, anomang imbestigasyon na gagawin ng mga otoridad sa Pilipinas partikular na ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay walang silbi maliban lamang kung hingin ang tulong ng gobyerno ng bansa kung saan idineposito ang pera.

Sa rebelasyon ni Marcoleta, nabuksan ang 49 bank account ng Comelec official na hindi nito pinangalanan habang nag-uusap ang komisyon at mga kinatawan ng Miru System na ipapalit sa Smartmatic sa 2025 midterm elections.

Hinamon din nito ang lahat ng Comelec officials na makipagtulungan sa imbestigasyon ng Kamara sa pagbibigay ng kontratang nagkakahalaga ng P18 billion sa Miru System kahit masama ang record ng mga ito sa Congo, Iraq at iba pang bansa at offshores accounts. (BERNARD TAGUINOD)

274

Related posts

Leave a Comment