SATUR, CASTRO GUILTY SA CHILD ABUSE

(JESSE KABEL RUIZ/BERNARD TAGUINOD)

HINATULAN ng hanggang anim na taong pagkakakulong kahapon ng Tagum City Regional Trial Court Branch 2 sina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Alliance of Concerned Teachers (ACT-Teachers) Rep. France Castro matapos mapatunayang guilty sa kasong child abuse kaugnay sa isinampang trafficking sa 14 minors mula sa Talaingod, Davao del Norte.

Sa desisyon ng RTC Branch 2 ng Tagum City, Davao del Norte, napatunayang guilty beyond reasonable doubt sina Castro at Ocampo, kasama ang iba pang co-accused sa paglabag sa Section 10(a), Article VI of Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Kawalan ng Hustisya

“Culture of injustice under Marcos Jr. administration.”

Ganito naman inilarawan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang apat hanggang anim na taong sentensyang ipinataw sa tinaguriang Talaingod 18 sa pangunguna nina Ocampo at Castro.

Nag-ugat ang kaso laban kina Ocampo, Castro, walong guro mula sa Salugpungan Ta ‘Tanu Igkanogon Community Learning Center, dalawang miyembro Alliance of Concerned Teachers at iba pa nang i-rescue ng mga ito ang mga estudyante mula sa mga Lumad school na ipinasa ng nakaraang administrasyong Duterte sa Davao del Norte noong Oktubre 2018.

“It is alarming that while activists and educators face unjust convictions, those responsible for the forcible closure of schools and threats against the Lumad community remain uninvestigated,” ayon pa kay Brosas.

Sinegundahan naman ito nina Ocampo at Castro dahil bagama’t wala na sa kapangyarihan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na itinuturong nasa likod ng pagsasampa ng maling kaso laban sa kanila ay nagpapatuloy ang inhustisya sa bansa sa ilalim ng Marcos Jr., administration.

“This wrongful conviction speaks of the continuing persecution of those who are helping and advocating for the rights of Lumad children and the persistent attacks on Lumad schools and communities,” ayon sa joint statement nina Ocampo at Castro.

Irespeto Hatol ng Korte

Kaugnay nito, umapela ang Department of Justice (DOJ) na irespeto ang desisyon ng hukuman laban kina Ocampo, Castro at 11 pang respondents sa kasong child abuse.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, mabigat ang naging proceedings kaya’t mahalaga na irespeto ang resulta ng hatol ng korte.

Kinikilala rin aniya ng DOJ ang karapatan ng mga nahatulang indibidwal na humanap ng legal remedies gaya ng pag-apela sa korte. (May dagdag na ulat si JULIET PACOT)

132

Related posts

Leave a Comment