WALANG FOREVER SA POWER

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MULING napatunayan na walang forever sa mga abusado at corrupt na political leaders kapag napuno na ang taumbayan lalo na kapag pilit na silang itinutulak sa pader at inaalisan ng karapatan.

Ang pagbagsak ng diktador ng Syria na si Bashar al-Assad matapos ang 24 taong pang-aabuso, katiwalian, pananamantala, ang isang patunay na hindi habambuhay ay hahayaan ng taumbayan na magpatuloy ang kanilang pamumuno. Actually, kalahating siglo ang paghahari ng kanyang pamilya kung isasama mo ang 30 taong pamumuno ng kanyang ama.

Talagang darating at darating sa punto na kailangan nang lumaban ang mamamayan para patalsikin ang diktadurya sa kanilang bansa. Matagal na proseso at pagtitiis pero talagang darating ‘yan.

Nangyari na rin ‘yan sa ating bansa noong 1986 nang tapusin ng sambayanang Pilipino ang pamumuno ng diktador at ama ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr., na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr.

Tulad ni Al-Assad, mahigit dalawang dekadang pinamunuan ni Marcos Sr., ang Pilipinas at isinailalim ang Pilipinas sa batas militar para mas tumibay ang kapit niya at pamilya nito sa kapangyarihan.

Lumala raw ang pang-aabuso ng pamilyang Marcos sa kanilang kapangyarihan at inakusahan silang nagsamantala at nagpayaman lamang sa Malacañang imbes na pagsilbihan ang mamamayan kaya lalong lumala ang kahirapan sa Pilipinas.

Nakinabang din sa kanila ang kanilang cronies na pinagtaguan nila ng kanilang yaman o dummy, sa mga negosyong kumikita, kaya noong 1986 matapos ipilit pa rin ang kanilang sarili sa mamamayan sa pamamagitan ng magmamanipula sa eleksyon noong 1985, ay napuno na ang mga Filipino.

Kusang nagtungo sa EDSA ang mga tao para ipakita kung gaano kalakas ang kanilang puwersa at nakita ‘yun ng militar na nagsawa na rin sa kaabusuhan ni Marcos, kaya sinuportahan nila ang mapayapang rebolusyon na nagpatalsik sa pamilya ng diktador sa Malacañang.

Ang kaibahan lang ng rebolusyon sa Pilipinas ay mapayapa ito habang dumanak muna nang husto ang dugo sa Syria bago napaalis ng mga rebelde ang kanilang Presidente na kilalang bata ng Iran at Russia.

Kaya dapat matuto ang kasalukuyan at susunod na mga lider ng bansa sa kasaysayan, hindi lamang sa Pilipinas kundi ng mundo na hindi habambuhay ay kaya n’yong kontrolin, utu-utuin at paikutin ang mamamayan.

Kapag sinagad n’yo ang mga tao, may magsisimula ng laban at kapag nagsama-sama na ang mga ‘yan ay wala na kayong magawa kundi tumakbo at lumayas kasama ang mga kaalyado n’yong nakinabang din sa inyo.

Dapat n’yong tandaan na hindi papayag ang mga tao na kayo-kayo na lang lalo na kung sa pamumuno, ay nagpapayaman lang kayo kasama na ang mga kaalyado n’yo at hindi niyo iginagalang ang mga tao at batas. Gets n’yo, kayong mga gahaman sa kapangyarihan?

57

Related posts

Leave a Comment