At Your Service ni Ka Francis
BAGO matapos ang taong ito ay kinakailangang pasalamatan natin ang Amang nasa langit, sa mga pagpapala sa atin.
Bagama’t dumanas din tayo ng mga pagsubok nitong nagdaang taon, ito ay lalong nagpatatag sa akin sa paniniwala sa ating Ama.
Kung baga sa ating bahay, kung hindi ito dinadaanan ng mga kalamidad ay hindi natin titibayan ang pagkakagawa nito.
Kaya habang binibigyan tayo ng mga pagsubok sa ating buhay ay lalo pang tumitibay ang ating paniniwala sa Ama.
Kaya anomang dagok na inabot natin nitong daraang taon (2024) ay tiniis natin dahil naniniwala tayo na isang pagsubok lamang ito sa atin.
Minsan dahil tao lamang tayo, kapag may dumarating na mga problema sa atin ay napapatanong tayo sa ating sarili, “Mahal pa kaya ako ng Amang nasa langit?”
Subalit bigla ko naman naiisip na marahil ay pagsubok lamang ito sa katatagan ng aking pananampalataya sa Ama.
Ang minsan na katanungan kong ito ay napapalitan ng lalo pang tibay ng pagtitiwala na hindi ako pababayaan ng Amang nasa langit.
Kung kaya’t lalo akong nagpupursige kung anoman ang ginagawa kong pagtulong sa ating kapwa na nangangailangan ng aking pagkalinga.
Sabi ko tuloy sa aking sarili, tuloy lang ang buhay lalo na sa pagtulong sa ating kapwa nang walang iniisip na kapalit, bahala na si Ama sa akin.
Ika nga, “Nasa Tao ang Gawa, Nasa Diyos ang Awa.” Ibig sabihin, hindi tayo kaaawaan ng Amang nasa langit kung hindi tayo kikilos.
Mas magandang mayroon tayong nagagawang mabuti sa ating kapwa, mawala man tayo sa mundong ibabaw ay may makakaalala sa atin sa ating magandang ginawa noong tayo ay nabubuhay pa.
Hindi maganda para sa ating pamilyang naiwan na kapag tayo ay nawala ay may nagsasabing “Buti nga namatay na ang masamang tao.”
Mas mabuting may legasiya tayong maiiwan kaysa masamang gawain na magbibigay alala sa ating pangalan.
Bukod sa pangalan na ating iningatan noong panahon na tayo ay nabubuhay pa, ay tiyak na mayroon tayong matatanggap na pabuya mula sa langit sa araw ng paghuhukom o judgement day.
Malaki man o maliit na pagpapala ang ating natanggap mula sa ating Ama ay magpasalamat tayo.
Samantala, ang pagsapit ng taong 2025, ay “Bagong Taon, Bagong Pag-asa.”
Naniniwala tayo na sa darating na taon ay mas gaganda ang buhay ng mga Pilipino lalo kung sasamahan natin ng pagdarasal at paniniwala sa gumawa ng mundo at langit (Amang Diyos).
Bago pa man tayo humiling sa kanya, alam na niya ang ating mga pangangailangan sa araw-araw, hinihintay niya lang kung kailan tayo hihiling sa kanya.
Happy Holidays sa ating lahat!
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.
51