DPA ni BERNARD TAGUINOD
ISA pang batas na walang silbi sa ating bansa ang Republic Act No. 11934, o ang SIM Registration Act dahil kung iniimplementa ito, hindi makapag-ooperate ang scammers sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Napirmahan ang batas na ito noong October 2022 at inobliga lahat ng Pinoy na irehistro ang kanilang mga SIM card dahil kung hindi ay puputulin ito ng kanilang Public Telecommunication Entities (PTEs).
Nagkumahog noon ang prepaid SIM card users na magrehistro para hindi maputol ang kanilang linya pero sa ni-raid na mga POGOhan sa Central Luzon partikular na sa Bamban, Tarlac, at Porac, Pampanga, ay napakaraming cellphones ang inabandona ng POGO workers at nakumpiska ng mga awtoridad.
Malamang sa malamang hindi rehistrado ang mga SIM card na ginagamit sa mga POGOhan na ito, pero bakit hindi pinuputol ng PTEs gayung napakalaki ng multa ang puwedeng ipataw sa kanila?
Sa Section 11 ng nasabing batas, kapag hindi inirehistro ng PTEs ang isang SIM card at patuloy itong ginagamit ay pagmumultahin ang mga ito ng P100,000 hanggang P300,000 sa unang paglabag.
Hanggang P500,000 na multa naman sa pangalawang paglabag at aabot ng P1,000,000 sa ikatlong paglabag at malinaw rin sa batas na ito, na bawat SIM card na hindi inirehistro ang violation ha.
Sa dami ng mga SIM card na gingamit sa mga POGOhan, malaki na ang multang dapat nakolekta ng gobyerno sa PTEs, pero walang naipapataw na multa dahil inutil ba talaga ang gobyerno lalo na ang Department of Information and Communications Technology (DITC)?
Sa mga Pinoy lang ipinatupad ang batas na ito at ang mga dayuhan, lalo na ang mga Intsik na nagpapatakbo sa mga POGOhan, ay exempted, ganun? Mas dapat nga itong ipatupad sa mga dayuhan eh.
Ngayong gustong amyendahan ang batas na ito dahil sa mga POGOhan kahit magdadalawang taon pa lamang ito, para raw mapalakas pa pero kahit ilang beses niyo ‘yan amyendahan kung ayaw iimplementa, wala ring silbi ‘yan.
Teka, may nabasa akong report na sinasabi raw ng mga raiding team sa Pogohan sa Porac, Pampanga na “Magugulat kayo kung malaman n’yo kung sino ang may-ari ng Lucky South 99” pero hanggang ngayon ay ayaw pangalanan.
Ano ba ang kinatatakutan nila at ayaw pangalanan kung sino ang may-ari ng POGOhan sa Pampanga na mas malaki kumpara sa Bamban, Tarlac? Dahil ba matataas ang tungkulin sa gobyerno ng mga may-ari o ano?
Kung talagang may ebidensya, pangalanan na. Hindi puwedeng hayaan ang mga Pinoy na manghula. Bina-blind item pa eh. Pangalanan na dapat ang mga iyan at sampahan ng kaso at ipakita sa lahat na walang kinikilingan ang batas. Kung sa China ‘yan nangyari, malamang naaresto na ang mga ‘yan eh kahit miyembro pa ng Politburo.
