KABIT PINABORAN NG NGC KAYSA ORIG NA ASAWA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAKATANGGAP ng reklamo ang PUNA mula sa isang pamilya ng Brgy. Batasan Hills sa Quezon City na pinaaalis sa kanilang bahay na in-award sa kanilang ama ng National Government Center (NGC) at National Housing Authority (NHA), dahil hindi na raw nila ito pag-aari.

Ayon sa reklamo ni Amadito Germano, noong Abril 9, 2015, namatay ang kanyang tatay na si Amado Germano, 89-anyos, benepisyaryo ng 60 square meters na lote sa government project sa ilalim ng NGCHDP Eastside na matatagpuan sa nabanggit na barangay.

Kumpleto umano ang dokumento ng kanyang ama (Amado) na bigay ng ahensiya at galing sa NHA na tulad ng Certificate of Lot Assignment, Certificate of Lot Allocation. Occupancy Verification Tag (Tag No. 2000 BHI-01802), Beneficiary Qualification Stug (Stub # 00345) at Occupancy Verification (No. 14013).

Lahat ng mga dokumentong ito ay galing at ibinigay kay Amado Germano ng NGCHDP Eastside, Presidential Commission for Urban Poor (PCUP) at NHA.

Ayon kay Amadito, noong Pebrero 26, 2016 nang makatanggap sila ng paanyaya galing sa NGC para sa isang pag-uusap at dito sinabi sa kanila nina Erick Daluson (NGCHDP Community Relation Officer) at Rose Delda (HOA president), na ang lote na nai-award sa tatay nila (Amado) ay inilipat sa kinasama nito na si Liza Caandoy at silang mga anak ay inuutusan na umalis sa ipinagawang bahay ng kanilang ama.

Abay! Ibang klase ang lakas ni Caandoy kina Daluson, Delda, at sa PCUP at NHA.

Mas pinaboran pa nila si Caandoy kaysa orihinal na pamilya ni Amado Germuno, ganoon na ba ang gobyerno natin ngayon?

Base pa sa reklamo ni Amadito, noong Hunyo 6, 2024 ay nagsumite sila ng Position Letter at Marriage Contract ng kanilang nanay na si Lourdes C. Germano, legal na asawa ni Amado Germuno, sa opisina ng NGCHDP Eastside at kay Rose Delda, upang ipaalam sa kanila na siya ang legal na asawa ng namayapang si Amado.

Ang sulat na ito ay binalewala ng NGC at ni Delda, sa halip ay nagpatuloy sila na ilipat ang lote kay Caandoy.

Ano kayang mayroon si Caandoy at bakit ganoon na lang siya kalakas sa mga opisina ng gobyerno at personalidad sa kabila na ang naghahabol ay nagpakita ng marriage contract?

Noong Hulyo 5, 2017, sa pangunguna ni Erick Ibanez (Assistant Department Manager NGCHDP-NCR) kasama ang ilang ahensiya tulad ng PCUP, LGU at PNP, ay nagsagawa ng miting sa NHA main office sa QC Circle.

Sa miting na iyon ay nagdesisyon si Erick Ibanez na hatiin na lamang ang lote ni Amado Germuno na 60 square meters, kina Lourdez Germuno at Liza Caandoy na tig-30 square meters sa bawat isa sa kanilang dalawa. Ang lakas talaga ni Caandoy, haneppp! Ang desisyong ito ay tinawag na Win-Win Solution.

Ang desisyong ito ni Ginoong Ibanez ay hindi pa rin sinunod ng NGC at ipinilit pa rin nila ang planong ilipat ang buong lote kay Caandoy.

Hunyo 6, 2019, nakatanggap ng sulat sina Amadito galing sa NGC na kung saan ang nasabing lote ay ini-award nila kay Liza Caandoy.

Paging, NHA General Manager Joeben Tai, sir, tama po ba ang ginawa ng NGC na ang buong lote ng namayapang si Amado ay ibinigay sa kinakasama nito?

Samantalang ang tunay o orihinal na asawa na nagpakita ng marriage contract, ay nawalan ng karapatan at binalewala nila. Tsk! Tsk! Tsk!

Ang isyung ito ay hindi natin tatantanan hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang mga inaapi.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

318

Related posts

Leave a Comment