Imbestigahan Natin
Ni JOEL O. AMONGO
MUKHANG hindi sapat ang angas ng retiradong heneral na si Rey Leonardo Guerrero para pangilagan ng mga sindikato sa likod ng patuloy na smuggling operations sa iba’t ibang pwertong saklaw ng Bureau of Customs (BOC).
Maging ang mga kasapakat na tiwaling kawani ng BOC, tila deadma lang sa bantang pagsibak at pagsasampa ng asunto laban sa mga tiwali sa nasabing ahensya.
Ang totoo, sadyang mahirap supilin ang korapsyon sa BOC lalo pa’t naging kultura na sa nasabing kawanihan at katiwalian. Ito rin ang dahilan kung bakit maging ang mga dating naupo sa pwesto ni Guerrero ay bigo sa hangaring burahin ang masamang imahe sa mata ng publiko.
Ni hindi sapat ang reshuffle sa pwesto ng mga tiwaling opisyal at empleyado. Sa tuwing malilipat ng destino ganun pa rin ang estilo sa pinaglipatang Puerto.
Sa aking sapantaha, ang mga tiwali dapat ilipat sa kanya mismong tanggapan – gawing tagatimpla ng kape para naman may silbi. Para naman sa mga nakasuhan, hindi na sila dapat pang pahintulutang pumasok sa anumang pasilidad ng BOC.
Pwede rin namang maglaan ng nakakatakam na gantimpala sa mga ulat ng pangkaraniwang empleyado sa anumang katiwalian mabibisto.
Gayunpaman, wala pa rin namang garantiyang titino ang kalakaran sa BOC maliban na lang kung ang mismong tiwali ay permanente nang maglalaho.
Ayon mismo sa mga lehitimong negosyante, hindi sapat ang bansag na buwaya para ilarawan ang mga tiwali ng BOC. Gayunpaman, kumbinsido sila sa sinseridad ni Guerrero sa kampanya laban sa mga tiwali sa nasabing kawanihan.
Ang siste, malalim na ang ugat ng sindikatong nagtanim ng kulturang aregluhan sa kawanihang daanan ng mga kalakal na pumapasok at lumalabas sa ating bayan.
Katunayan, sa dinami-dami ng mga tiwaling sinampahan ng kaso, parang wala pa naman yatang nahatulang mabilanggo. Gayundin sa mga smugglers na kanilang inasunto.
Kung pwede nga lang, itokhang na lang sila – kaso nga lang marami ang hindi kumporme dahil malinaw namang paglabag ito sa karapatang pantao.
324 