5 DUMAYO NG SABONG SA BATANGAS NAGLAHO *58 sabungero dinampot sa Cavite

BATANGAS – Malalimang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkawala ng limang kalalakihan mula sa Bulacan at hindi na nakauwi matapos na magpunta sa sabungan sa Lipa City, Batangas.

Kinilala ng Calumpit Municipal Police Station ang dalawa sa mga biktima na sina Edgar Malaca, 50-anyos, barangay kagawad, at Alexander Quijano, 50-anyos, parehong residente ng bayan ng Calumpit.

Base sa salaysay ng kapatid ni Malaca, bandang alas-10:30 ng gabi noong Enero 6, 2022 nang umalis ang kapatid nito at kaibigan sakay ng puting van patungo sa sabungan sa Lipa City para magsabong.

Kinabukasan, nakausap pa umano nila ang mga ito at kinumpirmang nasa Lipa City na sila.

Sinabi pa aniya ng kapatid na natalo lahat ang kanilang mga manok at nagpapahinga lang at may laban pa sila bukas.

Ngunit noong Enero 8, 2022 ay hindi na nakauwi ang dalawa at hindi na rin matawagan sa cellphone.

Hanggang sa makita na lamang ang sinakyang van ng dalawang nawawala na inabandona sa Calumpit noong Enero 9. Nakita naman ng mga imbestigador ang mga gamit ng dalawa sa van.

Nananawagan ang mga kamag-anak ng dalawa sa sino mang may impormasyon sa kinaroronan ng mga ito na tulungan makauwi ang mga biktima.

Ayon naman sa Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region, hanggang ngayon, hindi pa rin nakikipag-ugnayan sa kanila ang financier ng dalawang biktima.

Bago ang pagkawala ng limang sabungero ay unang napaulat ang pagkawala ng 10 kalalakihang nagpunta sa magkahiwalay na sabungan sa Sta. Cruz, Laguna.

Samantala sa lalawigan ng Cavite, sa kabila nang mahigit pa ring pagbabawal sa tupada, mistulang tengang-kawali ang mga sabungero patunay ang pagkakadakip sa 59 katao, sa isinagawang anti-illegal gambling operations ng Cavite Police sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.

Ayon sa ulat ng Cavite Police Provincial Office (PPO), dakong alas-11:30 ng umaga, nagsagawa ng anti-illegal operation ang mga operatiba ng Kawit Police sa Bey Gahak, Kawit Cavite kung saan dalawang senior citizen na may edad, 62 at 69, ang inaresto habang nagsasagawa ng tupada sa lugar.

Sa Rosario, Cavite, tatlong sabungero rin ang inaresto nang naaktuhang nagsasagawa ng tupada sa Brgy. Ligtong 1, Rosario, Cavite dakong alas-11:55 ng umaga.

Walong katao naman ang dinampot sa Brgy. Conchu, Trece Martires City sa aktong nagsasagawa ng tupada dakong alas-12:15 ng umaga.

Pinakamarami namang sabungero ang dinampot sa Noveleta Cavite kung saan 14 katao ang nakorner sa aktong nagsasagawa ng tupada sa Pulo 1, Brgy. San Rafael 4.

Sa Indang, Cavite, walo katao ang dinampot sa Brgy. Pulo at Brgy. Tambo Malaki.

Sa Mendez, siyam na sabungero ang dinampot ng Mendez Police dakong alas-12:30 ng hapon sa Brgy. Banayad.

Sa Dasmariñas City, tatlo katao ang binitbit dahil sa tupada dakong alas-11:30 ng umaga sa Acacia Subd, Brgy. Burol 3.

Sampung sabungero naman ang binitbit ng mga awtoridad Brgy. Real 1, Bacoor City. Habang sa General Mariano Alvarez (GMA), dalawa katao ang inaresto sa Brgy. Jacinto Lumbreras. ((NILOU DEL CARMEN/SIGFRED ADSUARA)

Related posts

Leave a Comment