DENGVAXIA PUBLICITY, BAHAGI NG PAG-AALINLANGAN NG PUBLIKO SA COVID-19

NANINIWALA si Senate Minority Leader Franklin Drilon na bahagi ng pag-aalinlangan ng taumbayan sa bakuna kontra COVID 19 ang pinangunahang Dengvaxia publicity ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta.

Sinabi ni Drilon na sa ngayon nasa 54 percent pa lamang ang vaccination rate ng bansa at isa sa pinakamababang numero kumpara sa ibang bansa.

Ipinaliwanag ng senador na mahalagang sangkap sa paghikayat sa taumbayan na magpabakuna kontra covid 19 ang kredibilidad ng gobyerno.

Ipinaalala ng mambabatas na nakakaraos pa lamang ang bansa sa Dengvaxia fiasco na naging malaki ang papel sa pag-aalinlangan ng mga tao sa bakuna.

Bagama’t aminado si Drilon na ginagawa lamang ni Acosta ang kanyang trabaho, nagkaroon pa rin ng negatibong epekto ito sa tao.

Maging ang pag-amin ni Acosta na hindi pa siya bakunado kontra COVID 19 ay nakakadagdag din ng pagdududa sa bakuna.

Ipinaalala ni Drilon na government official si Acosta at kung hindi nito kayang dipensahan ang polisiya ng gobyerno ay dapat na itong umalis sa pwesto.

Batay pa sa impormasyon ng senador, hindi pinapayagan ni Acosta ang pagsasagawa ng teleconferencing sa kanilang tanggapan para matapos ang kanilang mga trabaho.(Dang Samson-Garcia)

Related posts

Leave a Comment