PATAY ang dalawang Filipino at sugatan ang anim na iba pa sa pagsabog na nangyari sa kapitolyo n Lebanon na Beirut kamakalawa, Martes.
Ayon sa Spokesman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na si Ed Meñez, ang mga namatay na Filipino ay nasa bahay ng kanilang mga amo nang mangyari ang pagsabog.
Sa ulat na natanggap ng DFA, tiniyak naman ng Philippine Embassy sa Beirut na nakikipag-ugnaya na sila sa mga Filipino community sa Lebanon upang malaman ang tunay na kalagayan nila roon at maibigay ang kinakailangang tulong sa mga naapektuhang Filipino.
Tinatayang nasa 25,000 Filipino ang nasa mismong Beirut na lugar ng pagsabog, samantalang nakakalat sa Lebanon ang may 8,000 Pinoy.
Umabot sa 78 katao ang namatay at libu-libong iba pa ang sugatan at nasaktan sa malawak na pagsabog sa Beirut.
Inaalam pa ng mga awtoridad sa Beirut ang sanhi ng malakas na pagsabog habang tinitingnan ang posibilidad na naipong mga pampasabog sa puerto ang dahilan nito.
Sinasabing, apat na miyembro ng Shiite Muslim movement Hezbollah ang nilitis sa korte ng The Netherlands kaugnay ng insidente.
Samantala, patuloy ang paghikayat ng gobyerno sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Lebanon na makauwi na ng bansa kung nanaisin ng mga ito.
Ang pahayag ay ginawa ng Malakanyang kasunod ng pagsabog sa nasabing siyudad na bumulabog sa port of Beirut.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, hindi nagbabago ang pagiging bukas ng gobyerno para sa mga kababayan nating nais makauwi ng bansa.
Aniya, nandiyan ang DFA na sa mga nakaraan ay nag-isyu na ng advisory kaugnay ng hakbang ng gobyerno na may kinalaman sa repatriation. (DAVE MEDINA/CHRISTIAN DALE)
