NATUKOY sa mababang kapulungan ng Kongreso ang modus operandi ng mafia sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kaya nawalan ito mahigit P153 bilyon ang mga miyembro nito sa loob lamang ng 6 taon dahil sa all case rate policy.
Sa joint hearing ng Kamara sa katiwalian sa PhilHealth, inilarawan ni House committee on public account chairman Mike Defensor ang modus operandi ng mafia sa PhilHealth sa pamamagitan ng all case rate policy.
“For PhilHealth, this is the scheme of…sinasabing mafia because we know that on the regional level mayron po kayong tinatawag na benefits regional claim na committee. At yun po ‘yan, dahil nga may case rate setup, ibibigay na lang yun sa finance,” ani Defensor.
Idinagdag nito na “… pagdating sa finance walang tanong-tanong dahil submitted ng region babayaran kaagad at pagdating po dyan lalabas na ang pondo para sa mga hospital”.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil nakapagtataka aniya na napabilis ang pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital sa mga rehiyon lalo na sa mga pribadong pagamutan samantalang ang mga government hospital ay pahirapan ang pagbabayad nila.
Mula 2013 hanggang 2018 ay gumastos ang PhilHealth ng P512 bilyon sa all case rate at sa nasabing halaga ay mahigit P153 bilyon ang nawala sa gobyerno dahil sa natuklasan ng Commission on
Audit (COA) na umaabot sa P102 bilyon ang overpayment at P51 bilyon ang nauwi sa korapsyon.
“And I submit to this committee, this in fact is plunder. Yung bilyun-bilyong nawala ay plunder. At ang rekomendasyon ko kasuhan hanggang sa regional level dahil lalabas po dyan sinong ospital ang nakinabang, sinong kakutsaba dahil malinaw naman ang record ng Commission on Audit (COA) at madali itong maimbestigahan,” ani Defensor.
PABORITONG PAGKAKITAAN
Sa nasabi ring pagdinig ng komite ni Defensor katuwang ang House committee on good government and public accountability, lumalabas na ang pneumonia, gastroenteritis, urinary tract infection at kalaunan ay dialysis patients na ang malimit o paboritong pagkakitaan ng mafia sa PhilHealth at mga kasabwat na ospital.
Ayon kay Defensor, 2013 pa lamang ay numero uno na ang sakit na pneumonia sa binabayaran ng PhilHealth ng bilyun-bilyon kasunod ang gastroenteritis, UTI at Dialysis at patuloy ang pagtaas nito taon-taon.
Pagdating ng 2014, P7.6 bilyon na ang ginastos ng PhilHealth sa pneumonia; P1.5 bilyon naman sa UTI at P1.3 bilyon sa gastroenteritis at nadagdagan pa ng eskandalo sa cataract operation na ginastusan ng P3.7 bilyon.
Sa sumunod na taon, 2015 umakyat na sa P9.7 bilyon ang binayaran ng ahensya sa pneumonia; P2.5 bilyon sa gastroenteritis; P2.1 bilyon sa UTI at P6 bilyon naman sa dialysis.
Noong 2017, umabot na sa P10.2 bilyon ang binayaran ng PhilHealth sa pneumonia; gastroenteritis, P1.8 bilyon; UTI, P1.5 bilyon subalit kinuwestiyon ni Defensor ang datos ng PhilHealth dahil umaabot sa 707,000 ang nagkasakit ng pneumonia gayung ang nasa record ng Department of Health (DOH) ay 454,000 lamang noong 2017.
Lalong nadagdagan umano ang dialysis claims sa PhilHealth noong 2018 dahil umabot na ito sa P2.2 million mula sa P1.6 million noong 2017 at tumaas umano sa P2 bilyon ang binayaran sa gastroenteritis at P2.1 bilyon naman sa UTI.
NAGKAKASAKIT NA
Samantala, tatlo na ang mataas na opisyal ng PhilHealth na nagkasakit habang isinagawa ang imbestigasyon sa anomalyang nangyayari sa ahensya.
Nang magsimula ang pagdinig ng komite ni Defensor ay kinilala ang attendance ni PhilHealth SVP for legal na si Atty. Rodolfo del Rosario sa zoom subalit nang mag-interpelate na si House minority leader Bienvenido Abante ay bigla na itong nawala.
Nagtalaga si Del Rosario ng kanyang kinatawan sa pagdinig dahil tumaas umano ang kanyang blood pressure.
“Kanina po nandyan si Senior Vice President Del Rosario. So ang may sakit na sa inyo, General Morales, Mr. De Jesus ngayon naman hinayblood si Senior Vice President Del Rosario, tama po ba?,” tanong ni Defensor. (BERNARD TAGUINOD)
