MATAGAL NANG NAPAKABAGAL NG SMART

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA

 

ISA sa mga isyung binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ay ang pagsasaayos ng serbisyo ng mga kumpanya sa industriya ng impormasyon at telekomuniskasyon.

Binalaan pa nga ni Duterte ang mga ito na kukunin ng pamahalaan ang kontrol nito kapag hindi nila inayos ang kanilang serbisyo bago matapos ang taong kasalukuyan.
Tama ito!

Dapat lang mawala na sa kontrol ng mga oligarko ang mga kumpanyang telekomuniskasyon, sapagkat napakapalpak talaga ng serbisyo nila.

Alam kong alam na alam n’yo ang ibig kong sabihin sa “napakapalpak” na serbisyo ng mga kumpanyang telekomunikasyon.

Ito ay ang napakabagal na takbo ng internet at napakaraming hindi makakonekta sa internet sa kanila.

Ang pamilya ko ay isa sa matagal nang kliyente ng Smart Communications na walang kaduda-dudang ­matagal na rin kaming nakararanas ng napakabagal na takbo ng internet nila.

Ilang ulit na rin kaming nawawalan ng koneksiyon (dalawa noong 2019 at isang beses ngayong 2020).

Ang masama rito, kalahating buwang hindi ­gumagana ang internet ng Smart sa amin tuwing napuputol ang koneksiyon.

Kaya, nahihirapan ako sa pagpapasa ng mga kolum ko, mga istorya at special report ko.

Madalas akong tumatawag at nagpa-follow up sa Smart, pero panay “pasensya na po,” “may problema po ang koneksyon sa erya n’yo” at “ini-report na po sa mag-aayos ng koneksyon n’yo,

pakiantay lang po” ang mga natatanggap kong mensahe sa mga nakakausap kong empleyado sa customer service center ng Smart.

Kalahating buwan, pare-pareho ang mensahe, pare-pareho ang paliwanag?!

Pokaragat na ‘yan!

Ngunit, kapag singilan, tatlong linggo bago sumapit ang due date ng bayaran ay mayroon na kaming natatanggap na bill.

Pokaragat na ‘yan!

Ayaw kong lumipat sa Globe Telecommunications dahil napakahina ng signal nito sa aming lugar hanggang ngayon.

Kaya, wasto, napa­panahon at makabuluhan ang babala ni Duterte laban sa mga kumpanyang telekomunikasyon.

Ngunit, hindi ko maintindihan kung bakit hindi nagsalita ang mga progresibo at kaliwang organisasyon tulad ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Bayan Muna at mga kasamahan nito sa

‘pakikibaka’ pabor sa sinabi ng pangulo tungkol dito.

Alam ko, matindi ang galit ng Bayan, Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis at iba pang kapanalig nila sa pakikibaka sa mga oligarko dahil matagal na nitong kontrolado ang ekonomiya ng Pilipinas.

O, mali na ako ngayon?

O, depende na ngayon sa oligarko at depende na rin sa isyu laban sa mga oligarko na kinakanti ni Duterte?

Sa isyung inilabas ni Duterte, hindi pa kasama rito ang panawagan nina Senadora Ma. Grace Poe at Senador Sherwin Gatchalian na ­magdagdag at tiyakin ang “internet connectivity” sa iba’t ibang panig ng bansa.

Napapanahon ang panawagan nina Poe at Gatchalian ngayong ­maraming uri ng negosyo na ipadadaan sa online.

Maging ang sistema ng pag-aaral mula kindergarten hanggang doctorate program ay sa online na rin isasagawa.

Kaya, nararapat lamang na kumilos ang Smart at Globe.

Habang inaasikaso ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Poe ang operasyon ng internet sa bansa, nakababahala ang datos na nakarating sa komite.

Napakalaki ng pagkakaiba ng bilang ng cellular sites ng dalawang kumpanya ng telekomunikasyon at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at National

Telecommunications Commission (NTC).

Sabi ni Poe sa kanyang kalatas: “Sinasabi ng Globe, meron silang 9,535 cell sites. Ang sabi ng NTC (National Telecommunications Commission) ay 17,292 ang kanilang cell sites. Ang Smart,

24,600 ang stations, ang sabi ng NTC, meron daw silang 23,000. Ang sinasabi na total ng mga telco, meron silang 34,000 na mga cell site, pero ang sinasabi naman ng NTC, 40,000 daw ang

meron. At ang sinasabi naman ng DICT, 18,000 ang mga cell tower. So, ano ba talaga ang totoo?”

Ang nabanggit na magkakasalungat na impor­masyon ay ulat ng Smart, Globe, DICT at NTC sa komite ni Poe.

Idiniin ni Poe na kailangang maisayos at ma­ipirmes ang totoong bilang ng mga cellular site “in order to have a clear basis for ramping up efforts to boost connectivity in the country.”

Idiniin din ni Poe na napakahalaga ang eksakto at tamang bilang nito, sapagkat, aniya: “having an accurate data on the number of cellular towers and where they are situated will give regulators

(DICT and NTC) a thorough picture if the telcos have been complying with their commitment toward digitization and what government can do to speed up the rollout of crucial infrastructure.”

Napakahalagang tumulong ang mamamayang Filipino na bantayan ang DICT at NTC sa gawain, tungkulin at obligasyon nito, hindi lamang sa mga kumpanya ng telekomunikasyon, kundi sa

buong industriya ng impormasyon at telekomunikasyon, sa bansa upang seryosong sumulong, umunlad at u­mangat ito, sapagkat magsisilbi ito sa interes at kagalingan ng mamamayang Filipino.

Mainam ding tulungan ang pamahalaan, partikular si Pangulong Duterte, na maganap ang kagustuhan niyang mapabilis ang serbisyo ng mga kumpanya ng telekomunikasyon.

216

Related posts

Leave a Comment