CLICKBAIT ni JO BARLIZO
KUNG titingnan ang layunin ng National Nutrition Council (NNC) sa pagbuo ng sistemang maglalagay ng warning labels sa harap ng mga produkto at maglilimita sa marketing para sa mga bata, masasabi mong dapat itong suportahan.
Maganda kasing pakinggan na ang kasalukuyang tinatapos na Philippine Nutrient Profile Model (PNPM) ng NNC ay naglalayong uriin ang mga nakapaketeng pagkain at inumin batay sa lebel ng asukal, sodium, saturated fat, at trans-fat—isang hakbang na magsisilbing batayan ng dalawang malaking regulasyon: ang mandatory front-of-pack warning labels (FOPL) at ang paghihigpit sa marketing ng pagkain para sa mga bata. Katuwang dito ng NNC ang Department of Health (DOH) at ang World Health Organization (WHO), kasama ang mga grupong nasa ilalim ng Healthy Philippines Alliance. Para sa kanila, magbubunga ito ng mas malusog na Pilipino, mas kaunting kaso ng sakit sa puso, obesity, at iba pang noncommunicable diseases.
Kukwestyunin mo ba iyan? Syempre lahat tayo sang-ayon na maging malusog ang lahat dahil sabi nga, ang kalusugan ng bawat mamamayan ang tunay na pundasyon ng pag-unlad at lakas ng isang bansa.
Pero heto ang tanong, sapat na ba ang pagsusuri sa paraan?
Sa bawat polisiya, hindi sapat na maganda lang ang intensyon. Kailangan itong maging komprehensibo, may sapat na kahandaan at makatarungan.
Sa kasalukuyan, tila minamadali ang paglalatag ng mga pamantayan nang hindi pa ganap na nailalantad sa publiko ang kabuuang datos—lalo na ang validation na kinontrata ng WHO at ang masusing pagsusuri sa lokal na merkado. Kung ang mismong pundasyon ng polisiya ay hindi pa ganap na nasusuri, paano masisiguro ang patas at epektibong implementasyon nito?
Higit pa rito, nasaan ang tunay na multi-sektoral na konsultasyon? Hindi sapat na marinig lamang ang panig ng health advocates. Kailangan ding mabigyan ng boses ang food manufacturers, maliliit na negosyante, mga siyentipiko sa nutrisyon, at mga tagapagtanggol ng karapatan ng mamimili.
Dahil kung magkakamali ang polisiya, hindi ito abstract failure. Maaari itong magdulot ng mas kaunting ulam sa mesa. Mas mahal na grocery. Mas limitadong pagpipilian.
At huwag din tayong magpaka-idealista. Hindi awtomatikong magiging mas healthy ang tao kapag tinanggal ang murang opsyon. Minsan, ang resulta ay mas murang alternatibo—na mas mababa ang kalidad, o mas delikado pa.
Hindi lingid sa kaalaman na ang mahihirap na pamilya sa Pilipinas ay umaasa sa murang nakapaketeng pagkain. Hindi dahil ito ang gusto nila, kundi dahil ito ang kanilang kayang bilhin.
Malaking bahagi ng kita ng ordinaryong manggagawa ang napupunta sa pagkain, kaya anomang pagtaas ng presyo ay direktang dagok sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Hindi masama ang PNPM. Ang masama ay kung ipatutupad ito nang kulang sa paghahanda, kulang sa transparency, at kulang sa malasakit sa kakayahan ng mamimili.
Kung talagang para sa kalusugan ng bayan ang laban, dapat malinaw ang sagot sa mga tanong na ito:
Handa ba ang merkado?
Kaya ba ng konsyumer?
At sino ang sasalo kapag nagkamali?
Ang polisiya ay hindi lang dapat maayos na inilalatag sa papel. Dapat malinaw kung paano nito pinoprotektahan ang pinakamahina.
Dahil sa usaping pagkain, huwag kalimutan na kapag nagkamali ang gobyerno, hindi policy paper ang nagugutom kundi tao.
95 