SERYOSO ang pamunuan ng Coliseo de Manila, isang cockpit arena sa Vitas, Tondo, Maynila, na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group NCR na inakusahang sumalakay nang walang kaukulang warrant at puwersahang nagpasara ng halos 20 araw sa sabungan.
Ito ang inihayag kahapon ni Atty. Carl Jon P. Mucho ng Chavez Miranda Aseoche Law Offices, legal counsel ng nasabing cockpit arena, sa ginanap na pulong balitaan sa kanilang tanggapan sa Makati City kasunod ng kanyang pahayag na tuluyan nang ibinasura ng Manila Prosecutors Office ang inihaing kaso ng PNP-CIDG sa kanila dahil sa kawalan umano ng merito at katibayan kaugnay sa paratang hinggil sa online sabong o unauthorized sabong kasunod sa isinagawang pagsalakay na ibinase lamang umano sa kanilang nakalap na intelligence report na hindi muna na-validate.
Ayon kay Atty. Mucho, “bagaman pormal nang na i-turn over sa atin ang ibinalik ng CIDG na mga incockpit betting station, malinaw naming ipinapahayag sa kanila na hindi isinusuko ng Coliseo de Manila ang pagtutol nito sa ilegal na paghahalughog at pagkuha ng mga gamit lalo na ang pagdetine ng mga manlalaro, at empleyado namin.”
“Dahil sa Writ of Preliminary Injunction ay muling nagbukas at nagbalik operasyon ang Coliseo de Manila noong nakaraang Sabado April 18, 2026,” dagdag pa ni Atty Mucho.
Dahil sa umano’y mga paglabag ng mga pulis, ipinakita nilang pang-aabuso sa kapangyarihan, at paglabag sa karapatang pantao ay naghain ang pamunuan ng CDM ng kasong administratibo sa National Police Commission laban sa ilang operatiba ng CIDG-NCR RO. Ito ay kaugnay sa kanilang mga aksyon na labag sa batas, tulad ng grave misconduct, opression, maltreatment, illegal arrest, search and seizure at iba pa, na ngayon ay kasalukuyan ng sumasailalim sa pagbusisi ng NAPOLCOM, ayon sa lawyer ng sabungan.
Inihayag din ng abogado ng CDM na kahapon, Abril 23, 2026 ay pormal nang naghain ang Coliseo de Mnaila ng kasong kriminal laban sa umano’y mga tiwaling opisyal ng CIDG na pinangungunahan ng isang Col Guagui para sa reklamong grave coercion at roberry.
“Ang mga aksyon ng mga nasabing police officers na inirereklamo ng pamunuan ay base sa mga CCTV footages at video recording ng aming mga witnesses, dagdag pa ni Atty Mucho.
Sinabi pa ng abogado na unang bugso pa lamang ito ng mga kaso dahil patuloy na pinag-aaralan ng kanilang legal team ang lahat ng hakbang at mga susunod na kaso pang ihahain upang maprotektahan ang karapatan ng Coliseo de Manila kabilang na ang mga empleyado, manlalaro at mga parokyano nito.
Nagpupulong-pulong na rin umano ang mga may-ari ng mga mamahaling panabong na tinangay ng mga pulis at maging ng umano’y nasa 400 mga manok na mga namatay dahil hindi na napakain sa puwersahang pagpapasara ng sabungan, kung paano sasampahan ng kaso ang mga pulis para maibalik ang kanilang mga panabong.
Nanawagan din ang CDM sa publiko na isumbong ang anomang kaalaman sa mga ilegal na livestreaming ng sabong dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa Coliseo de Mnaila.
Inulit ng abogado na sila ay walang online sabong at ang kanilang pinatatakbo ay ang tradisyunal na sabong. Suportado din nila ang kampanya ng pamahalaan kontra online sabong.
(JESSE RUIZ)
142 