UMAKYAT na sa labindalawa ang naitalang election related killings, 12 araw bago ang gaganaping May 2025 midterm election, ayon sa datos ng Philippine National Police.
Habang umakyat naman sa 35 ang validated election-related incidents na naitala ng PNP.
Hindi pa kasama sa bilang ang nangyaring pamamaslang sa isang dating barangay chairman na number 2 nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas Party-list, na nilikida noong Lunes ng gabi sa Sampaloc, Maynila dahil hindi pa ganap na natutukoy ang motibo sa pamamaril ng riding in tandem gunmen.
Sa datos ng PNP, mula Enero 12 hanggang Abril 28, 2025, naitala ang pinakamaraming bilang ng election related violence sa Cordillera at Bangsamoro regions na may labing-isa at 8 walong kaso, sinundan ito ng Calabarzon na may limang insidente.
Habang may tatlo naman sa Zamboanga Peninsula, dalawa sa Western Visayas at dalawa rin sa Davao regions, habang isa sa Ilocos, isa sa Central Luzon, isa sa Eastern Visayas, at Soccsksargen.
Umabot naman sa 2,800 firearms ang nasamsam ng mga awtoridad kaugnay sa umiiral na total gun ban habang nasa 2,710 katao ang nadakip kaugnay sa ipinatutupad na Commission on Election nationwide gun ban.
Kamakailan, inilagay sa COMELEC control ang bayan ng Datu Sinsuat at Buluan sa Maguindanao del Sur dahil mga naitalang karahasan.
Nanatiling nakataas ang antas ng alerto ng PNP at AFP na kapwa deputized security force ng COMELEC, hanggang sa pagwawakas ng election period sa Hunyo 11, 2025.
(JESSE KABEL RUIZ)
