TINATAYANG P477,000.00 halaga ng kita ng isang kilalang fastfood restaurant ang natangay makaraang puwersahang sirain ang drive-thru sliding window nito sa Brgy. San Jose, Tagaytay City noong Miyerkoles ng madaling araw.
Upang hindi makilala ang suspek, pinutol nito ang linya ng CCTV surveillance system at binitbit sa kanyang pagtakas.
Ayon sa ulat, bandang alas-5:50 ng umaga nang natuklasan ang insidente ng sales manager ng fastfood restaurant sa Brgy. San Jose, Tagaytay City. Pagpasok nito ay napansin na puwersahang sinira ang sliding window sa take-out order.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, pumasok ang susek sa pamamagitan ng pagsira sa sliding window ng drive-thru, at upang hindi mapuna at makilala, pinutol nito ang alarm system at tinangay ang Digital Video Recorder (DVR) na nakakabit sa CCTV surveillance system at ang accessories nito.
Sa kanilang imbentaryo, lumalabas na nawawala ang vault na naglalaman ng P477,000.00 cash na kita ng tindahan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
69 