3 PERSONALIDAD SA P3.5B SHABU SHIPMENT DEDMA SA PNP, PDEA

HINDI pa rin lumulutang o tumutugon sa subpoena kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang tatlong personalidad na iniuugnay sa nabigong pagpupuslit ng shabu na nagkakahalaga ng P3.54 bilyon mula Laos patungong Pilipinas.

Ayon kay PDEA Spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut, nagpahiwatig na umano ang kampo ni dating Bangsamoro Transition Authority (BTA) member Sultan Edrieza Hadji Nasser Rimbang na haharap siya sa ahensya sa Nobyembre 5, 2026.

Itinuturong financier at mastermind si Rimbang sa nabigong pagpupuslit ng ilegal na droga mula Laos patungong Pilipinas.

Una nang nakipag-ugnayan sa PDEA ang kampo ni Rimbang kaugnay ng kaso. Noong Martes, Oktubre 27, nagtungo sa ahensiya ang tatlo niyang abogado at ipinaalam na haharap siya sa mga awtoridad sa itinakdang petsa.

Dahil dito, dalawa na lamang sa mga person of interest ang hindi pa nagpaparamdam sa PDEA, bagaman tatlo pa rin ang hindi tumutugon sa mga subpoena ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), batay sa mga pahayag ng mga awtoridad.

Sinabi naman ni PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co na nagpapatuloy ang imbestigasyon at naipadala na ang mga subpoena sa mga indibidwal na natukoy na umano’y may kaugnayan sa nasabing shipment.

Babala ni Co, posibleng sampahan ng kasong indirect contempt ang mga hindi pa rin haharap sa mga awtoridad.

Nauna nang nasabat ng mga awtoridad ang naturang shipment na nagkakahalaga ng P3.54 bilyon noong Oktubre 1, 2026, sa Luang Prabang International Airport sa Laos, habang inihahanda umano ang pagpapadala nito sa Pilipinas.

Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang mga nakalap na ebidensiya upang matukoy ang daloy ng mga transaksyon at mapalakas ang case build-up laban sa mga posibleng sangkot sa ilegal na operasyon.

Humingi na rin ng tulong ang PNP sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang magsagawa ng financial investigation kaugnay ng kaso.

(JESSE RUIZ)

73

Related posts

Leave a Comment