133K residente apektado ‘RAMIL’ DEATH TOLL UMAKYAT SA 10

SAMPU katao ang inisyal na bilang na iniwang patay ng Tropical Storm Ramil (International name: Fengshen) bago tuluyang lumabas sa area of responsibility ng Pilipinas, matapos na manalasa sa northern at central Philippines nitong nakalipas na linggo.

Bukod sa naitalang pagkamatay ng isang social media vlogger, may apat pang nadagdag sanhi ng flashflood sa lalawigan ng Capiz. kaya umabot na sa 10 ang bilang ng mga nasawi dahil sa malakas na pag-ulan na dulot ng Tropical Storm Ramil na nagpabaha sa maraming lugar sa Western Visayas, Eastern Visayas at bahagi ng Southern Luzon.

Unang iniulat ng mga awtoridad ang pagkasawi ni May Mae Urdelas, 23, noong Sabado, Oktubre 18, matapos itong madulas, mahulog at tangayin ng malakas na agos ng sapa sa bayan ng Ivisan.

Nitong weekend, apat pa ang kumpirmadong namatay na kinilala ng Capiz Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), na sina Rizaldo Balgos, 44-anyos, mula sa Roxas City; isang 45-anyos na lalaki mula sa Barangay Dulangan ng bayan ng Pilar, na nakuryente; at dalawa pang indibidwal mula sa Roxas City na inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Nitong Linggo, limang miyembro ng isang pamilya kabilang ang dalawang bata ang namatay sa lalawigan ng Quezon matapos silang madaganan ng palm tree na natumba at bumagsak sa kanilang kubo sa Pitogo.

Ayon sa datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), may pitong reported deaths silang bina-validate habang may dalawa pang missing sanhi ng nangyaring landslide at may isang sugatan.

Umabot naman sa 133,196 katao mula sa apat na rehiyon ang inulat na naapektuhan ng bagyo habang tinitipon pa ang datos hinggil sa infrastructure at agricultural damage na idinulot ni Ramil.

(JESSE RUIZ)

16

Related posts

Leave a Comment