$150K KOLEKSYON NG PAGCOR KADA BUWAN SA PORAC POGO

PORAC, Pampanga – Ipinahayag ng isang abogado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na dumalo sa espesyal na sesyon ng Sangguniang Bayan dito noong Huwebes, nakakolekta ng $150,000 o katumbas ng humigit-kumulang P8.7-milyong piso, kada buwan ang ahensiya mula sa Lucky South 99, ang mega POGO hub na isinara kamakailan.

Sa sesyon ng Porac SB, sinabi ni Atty. Joseph Lobo ng PAGCOR, ang nasabing ahensya ng gobyerno na inatasang mag-isyu ng mga permit para sa Internet Gaming Licensees (IGLs) at subaybayan ang kanilang mga operasyon, ay nakakolekta ng $150,000 kada buwan, na 2 porsiyento ng kabuuang kita kada buwan, alinman ang mas mataas, mula noong nagsimula ito ng operasyon taong 2019.

Sinabi rin ng legal counsel ng PAGCOR at dalawa pang kinatawan, sinusubaybayan nila ang operasyon ng Lucky South 99 – ang 3,000-ektaryang pinayagang mag-operate ngunit hindi ang buong Lucky South 99 area.

Ang PAGCOR ang nag-iisang ahensya ng gobyerno na awtorisadong mangolekta ng buwis mula sa mga operator ng POGO sa bansa.

Ang Porac LGU ay nagbibigay lamang ng “Letter of No Objection” (LONO) para sa operasyon ng isang Business Processing Outsourcing at hindi para sa POGO, ayon kay Porac Mayor Jaime “Jing” Capil.

Sa ilalim ng RA No. 11590 o isang “Act Taxing Philippine Offshore Gaming Operations,” na inamyendahan ang ilang probisyon sa National Internal Revenue Code (NIRC) para linawin ang mga buwis na ipinapataw sa mga POGO, ang PAGCOR ang tanging ahensya ng gobyerno na pinapayagang mangolekta ng buwis mula sa mga operasyon ng POGO.

“The amendment prescribes that with respect to POGOs’ gaming income, the entire gross gaming revenue or receipts are subject to a percentage tax of 5%, in lieu of all other direct and indirect internal revenue and local taxes,” ani Capil.

“Walang buwis na kinokolekta ang mga LGU kundi ang buwis na binabayaran lamang ng mga may-ari ng mga gusali. Ang may-ari ng gusali ay ang Whirlwind Corporation at nagbabayad naman ito ng mga karampatang fees para sa mga permit,” ani Capil.

Nabatid na ang nakolekta lamang sa POGO area na pag-aari ng Whirlwind Corporation, ay ang mga bayad para sa Building Permit, Electrical Permit, Locational Clearance, Certificate of Occupancy, at Surcharge na may kabuuang P5,117,608.63 na nakolekta mula 2019 hanggang 2023.

Ang Whirldwind Corporation umano ay inuupahan ang lugar sa Lucky South 99, na nagpatakbo ng POGO na ipinasara ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC).

Nabatid na hindi hiniling ng PAGCOR sa Porac LGU na amyendahan ang LONO pabor sa isang POGO operations, ayon kay Capil.

Sinabi rin ng alkalde na hindi ni-renew ng Porac LGU ang Business Permit ng Lucky South 99 para sa taong 2024 dahil sa ilang paglabag, na taliwas sa sinasabi ng PAGCOR na nagbigay sila ng Business Permit ngayong taon.

Nanindigan si Capil na ang PAGCOR ang tanging government entity na pinapayagang mag-inspeksyon sa lugar.

Natuklasan kamakailan ng PAOCC ang mga kaso ng human trafficking, kidnapping, torture, at online scam sa pasilidad na matatagpuan sa Pulung Maba, Porac, na isang abandonadong sitio. (ELOISA SILVERIO)

230

Related posts

Leave a Comment