3 MINORS PUMUGA MULA SA MSWD SHELTER

CAVITE – Pinaghahanap ng Alfonso Police ang tatlong CICL o ‘Child in Conflict with the Law”, na nahaharap sa kasong carnapping, makaraang tumakas sa kanilang shelter sa nasabing bayan sa lalawigan noong Huwebes ng umaga.

Ayon kay Marires Firma, 55, house parent leader ng Municipal Social Welfare Development (MSWD), dakong alas-9:51 noong Miyerkoles ng umaga nang matuklasan nila na tumakas ang tatlo sa apat na menor de edad na nasa kanilang kustodiya sa MSWD shelter na matatagpuan sa Brgy. Poblacion 5, Alfonso, Cavite.

Sinubukang hanapin ang mga ito subalit hindi natagpuan dahilan upang ipagbigay-alam sa pulisya bandang alas-11:11 ng umaga noong Huwebes.

Nabatid na ang tatlong CICL na sina alyas “Jimuel”, “Chievas” at “John” ay sangkot sa kasong carnapping ng motorsiklo noong Marso 10, 2024 ngunit dahil sa pagiging menor de edad ay inilagay sa kustodiya ng MSWD.

Nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa magulang ng tatlong CICL habang patuloy ang paghahanap sa kanila. (SIGFRED ADSUARA)

329

Related posts

Leave a Comment