MASBATE – PATAY ang menor de edad na magpinsan at kanilang tiyuhin makaraang pagtatagain sa kanilang bahay sa Barangay Nasandig sa bayan ng Batuan sa lalawigang ito, ayon sa ulat ng pulisya nitong Sabado.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Gaspar Doktor na kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Ayon kay Police Capt. Alfredo Lastrella Jr., hepe ng Batuan Municipal Police Station, pumasok ang suspek bahay ng mga biktima at pinagtataga sa ulo, mukha at iba pang bahagi ng katawan ang mga batang 6-anyos at 7-anyos.
Unang iniulat na ginahasa muna ang 7-anyos na batang babae ngunit itinanggi ito ng pulisya.
Nadamay umano sa pananaga ang 30-anyos na tiyuhin ng mga bata nang magising ito sa nagaganap na kaguluhan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, target umano ng suspek ang guardian ng mga bata na si Rose Jane Riño na nakaalitan nito dahil sa nawawalang wallet ng huli.
Pinagtangkaan din umanong tagain ng suspek ang ginang ngunit napigilan ng mga residente.
Ipinag-utos na ng Masbate PNP ang pagpapalabas ng alarma laban sa suspek na nabilis na nakatakas.
Nauna rito, nagkaroon ng family gathering sa bahay ng mga biktima at niyaya sa inuman ang suspek ngunit nagkagulo nang mawala ang wallet ni Riño.
Kinagabihan pagdating ni Riño sa kanilang bahay ay nakita niyang pinagtataga ng suspek ang mga biktima.
Tumakbo palabas ng bahay si Riño ngunit hinabol siya ng suspek gayunman ay napigilan ng mga kapitbahay. (JESSE KABEL)
342