2 ILLEGAL RECRUITERS TIMBOG SA NBI

ARESTADO ng National Bureau of Investigation-Cavite North District Office (CAVIDO North), sa pangunguna ni NBI Director Jaime Santiago, ang dalawang indibidwal sa kasong illegal recruitment and estafa.

Nag-ugat ang kaso sa reklamong isinampa ng pitong indibidwal laban sa mga suspek. Ayon sa isang biktima, nakatanggap siya ng tawag mula sa umano’y recruitment agent na nagsabing siya ay mula sa CPL Masters Recruitment Inc., na nag-aalok ng skilled workers positions sa Austria sa pangakong monthly salary na P100,000.

Natukso sa malaking sahod, ang biktima ay nag-apply para sa mason position at nagbayad ng P166,600 para sa medical exams, processing fees, working visa, travel insurance, placement fee, at plane tickets.

Gayunman, naimpormahan siya na ang employer sa Austria ay tumangging mag-isyu ng work permit, sa halip ay ide-deploy umano siya sa Croatia bilang factory assistant.

Ang complainant, kasama ng iba pang mga biktima ay pinatuloy sa isang bahay sa Cavite ng mga recruiter, na kinuha ang kanilang passports para sa pagproseso umano ng visa at Overseas Employment Certificates (OECs).

Makaraan ang paghihintay ng mahigit isang taon, humingi ng tulong ang mga biktima sa Department of Migrant Workers (DMW), at pagkaraan ay nadiskubreng ang mga recruiter ay walang lisensiya at hindi awtorisadong mag-recruit para sa overseas jobs.

Sa isinagawang entrapment operation noong Pebrero 27, nadakip ang mga suspek, kabilang ang isang dati nang naaresto sa large-scale illegal recruitment sa Batangas at Marinduque.

Ang mga suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 ng R.A. 8042, as amended by R.A. 10022 o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, at estafa sa ilalim ng Article 315, Paragraph 2(a) ng Revised Penal Code. (RENE CRISOSTOMO)

23

Related posts

Leave a Comment