MEKANIKO HULI SA RAPE SA PINSAN

HINDI nakapalag ang isang mekaniko nang madakip ng mga operatiba ng Substation 7 ng Pasig City Police Station, sa bisa ng warrant of arrest sa kasong panggagahasa, dakong alas-5 ng hapon sa Caruncho Avenue, Brgy. San Nicolas, Pasig City noong Marso 3, 2025.

Ayon sa ulat na nakarating kay PCol. Villamor Tuliao, district director ng Eastern Police District (EPD), mula kay PCol. Hendrix Mangaldan, chief of police ng Pasig City, kinilala ang suspek na si alyas “Renz,” 28, may asawa, at residente ng Brgy. Pinagbuhatan sa nasabing lungsod.

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang panggagahasa sa isang 16-anyos na dalagita na pinsan mismo ng suspek noong Setyembre 7 at 30, 2018 at noong Agosto 25, 2019 sa Brgy. Pinagbuhatan.

Idinagdag pa sa ulat na hindi lang ginahasa kundi nakaranas din ng sexual violence ang biktima mula sa pinsan nitong si Renz na itinuturing na no. 3 most wanted person sa Pasig City at no. 2 naman sa listahan ng most wanted person ng EPD.

Matapos ang apat na taon na pananahimik, naglakas-loob ang biktima na sabihin sa mga kapamilya ang pang-aabuso sa kanya ng kanyang pinsan kung kaya agad itong isinuplong sa mga awtoridad na nagsagawa ng pinaigting na imbestigasyon at pagmamanman

Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Elma Mendoza Rafallo-Lingan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 159, ng Pasig City, inaresto ang suspek sa kasong paggagahasa sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code, may kaugnayan sa Section 5 (A) ng R.A. 8369 at walang piyansang inrekomenda.

Bukod dito, kinasuhan ang suspek ng 8 counts para sa sexual assault sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code may kaugnayan sa Section 5 (A) ng R.A. 8369 na may piyansang P200,000.

Ang suspek ay pansamantalang nakakulong sa custodial facility ng Pasig City Police Station habang hinihintay ang commitment order mula sa korteng may hawak ng kaso. (NEP CASTILLO)

10

Related posts

Leave a Comment