2 PATAY, 7 SUGATAN SA PAGSABOG AT SUNOG SA TONDO

DALAWA ang nasawi habang pito ang sugatan matapos ang pagsabog na nagdulot ng sunog sa isang tatlong-palapag na bahay sa Sto. Cristo Street, Barangay 5, Tondo, Maynila, nitong Biyernes ng umaga.

Kinumpirma ni Fire Chief Inspector Demetrio Sablan, chief of operations ng Manila Fire Department, ang pagkamatay ng dalawang residente.

Kabilang sa pitong sugatan ang mga residente at mga bata na isinugod sa Mary Johnston Hospital. Kritikal naman ang kalagayan ng isang pitong-buwang sanggol na patuloy na ginagamot.

Ayon sa ilang residente, nakarinig na lamang sila ng malakas na pagsabog bago kumalat ang matapang na amoy sa lugar.

Nagsimula ang sunog dakong alas-10:10 ng umaga at umabot sa unang alarma pagsapit ng alas-10:15. Idineklara itong fire out dakong alas-10:44 ng umaga.

Dalawa hanggang tatlong bahay ang bahagyang napinsala sa insidente na nakaapekto sa dalawang pamilya.

Samantala, naging viral sa social media ang video ng pagsagip sa mga batang naipit sa isang bintanang may bakal. Makikita sa footage ang isang lalaki na nagbuhos ng tubig upang mabawasan ang init na nararanasan ng mga bata habang tinutulungan silang makalabas.

Nagtulong-tulong din ang iba pang residente at mga rumespondeng bumbero upang mailigtas ang mga bata.

(JOCELYN DOMENDEN)

31

Related posts

Leave a Comment