PERSONAL na ininspeksyon ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ang mahigit 350 kilo ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng tinatayang P661 milyon na nasabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nitong Nobyembre 27, 2026.
Kasama ni Mendoza sa inspeksyon si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Derrick Arnold C. Carreon at mga kinatawan ng iba pang katuwang na ahensya.
Nasabat ng BOC-NAIA ang high-grade marijuana o kush, methamphetamine hydrochloride o shabu, at acetyl codeine mula sa anim na papasok na kargamento na sinuri sa isang bodega sa Pasay City.
Ayon kay Mendoza, titiyakin ng BOC ang maayos na dokumentasyon at paglilipat ng mga nakumpiskang droga sa PDEA, gayundin ang pagpapatuloy ng imbestigasyon upang mapanagot ang mga responsable.
Sa tala ng BOC, umabot sa 307.866 kilo ng kush ang narekober mula sa dalawang kargamentong nagmula sa Thailand at ipinadala ng iisang shipper. Idineklara ang mga ito bilang mga laruan ng bata.
Ang kargamentong nakatakdang ipadala sa Bulacan ay naglalaman ng 54.382 kilo ng kush na nagkakahalaga ng ₱65.26 milyon, habang 253.484 kilo naman na nagkakahalaga ng ₱304.18 milyon ang laman ng padalang patungo sa Caloocan City.
Ayon kay Mendoza, natukoy ang mga kargamento sa pamamagitan ng intelligence information at mahigpit na cargo profiling na nagbigay-daan sa kanilang pisikal na pagsusuri bago pa mailabas ang mga ito.
Nasabat din ang 42.884 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng tinatayang ₱291.61 milyon mula sa tatlong magkakahiwalay na kargamento. Kabilang dito ang 39.418 kilo mula sa Kenya at dalawang padala mula Malaysia na may lamang 2.630 kilo at 0.836 kilo.
Samantala, isang gramo ng acetyl codeine na nagkakahalaga ng ₱1,508 ang narekober mula sa hiwalay na kargamentong nagmula sa Canada.
Naisagawa ang operasyon sa pamamagitan ng X-ray screening, pisikal na pagsusuri at tulong ng PDEA K-9 teams.
Pinangunahan ito ng BOC-NAIA sa ilalim ni District Collector Atty. Yasmin Obillos-Mapa, katuwang ang PDEA, Philippine National Police (PNP) at Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF).
Posibleng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang pagkakasabat sa mga kontrabando.
Mula Enero 2026, umabot na sa tinatayang ₱7.92 bilyon ang halaga ng ilegal na droga na nasabat ng BOC sa 414 operasyon sa buong bansa.
Ayon kay Mendoza, paiigtingin pa ng ahensya ang pagbabantay sa mga pandaigdigang paliparan sa harap ng inaasahang pagdami ng mga pasahero at kargamento ngayong Christmas rush.
Magdaragdag din umano ng mga tauhan upang mapanatiling ligtas ang mga hangganan ng bansa at matiyak ang maayos na pagproseso sa mga pasahero at lehitimong kargamento.
(JESSE RUIZ)
26 