MAYOR, UTOL INARESTO SA FRUSTRATED MURDER

INARESTO ng mga awtoridad si Nabalawag Mayor Datu Rhenz Tukuran at ang kanyang kapatid noong Nobyembre 25 sa kasong frustrated murder.

Bitbit ang warrant of arrest na may petsang Nobyembre 24, 2026 na inilabas ni Presiding Judge Ysnaira ng Regional Trial Court Branch 13 sa Cotabato City, inaresto ang magkapatid sa Barangay Poblacion, Kabacan, Cotabato.

Nakasaad sa warrant of arrest na lumabag ang mga inaresto sa Article 248, kaugnay ng Article 6 ng Revised Penal Code.

Ayon sa ulat ng Kabacan Municipal Police Station, inaresto dakong alas-4:30 ng hapon ang alkalde ng Nabalawag, Special Geographic Area (SGA), na si Tukuran, alyas “Datu Puti,” 39-anyos, may asawa, at ang kanyang kapatid na si Datu Pia Maisalat Tukuran.

Nakasaad sa warrant ang Criminal Case No. 2026-18120, na may inirekomendang piyansa na P120,000 para sa bawat kaso.

Matapos ang pag-aresto, isinailalim si Tukuran sa kustodiya ng Kabacan MPS para sa kaukulang dokumentasyon at proseso bago iharap sa korte.

Si Tukuran ay kasalukuyang nanunungkulang mayor ng Nabalawag matapos siyang manalo sa 2025 local elections.

Nauna nang iniulat noong Nobyembre 17, na kabilang si Mayor Tukuran at kapatid nito sa siyam na indibidwal na pinaghahanap kaugnay ng hiwalay na kaso sa umano’y tangkang pagpatay kay Datu Piang Vice Mayor Mohammad Omar Samama.

Ang naturang kaso ay isinampa sa ilalim ng Anti-Terrorism Act.

(TOTO NABAJA)

23

Related posts

Leave a Comment