PADILLA, MAS GUSTONG ICC MAG-IMBESTIGA KAYSA KAPWA PILIPINO

MAS gugustuhin umano ni Sen. Robin Padilla na ang International Criminal Court (ICC) ang mag-imbestiga sa kanya kaysa sa kapwa niya mga Pilipino kaugnay ng reklamong obstruction of justice.

Ito ang inamin ng senador matapos humarap sa Department of Justice (DOJ) upang magsumite ng rejoinder affidavit bilang bahagi ng nagpapatuloy na preliminary investigation sa reklamong isinampa laban sa kanya.

Ayon kay Padilla, nakapanlulumo para sa kanya na kapwa Pilipino ang nag-iimbestiga sa umano’y pagtulong niya sa pagtakas o pagtatago ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Gayunman, nilinaw niyang sa kabila ng bigat ng kanyang kalooban ay tungkulin niyang sumunod sa umiiral na batas kaya siya dumalo sa pagdinig ng DOJ.

Samantala, sinabi ni Atty. Julius Henry Balteza, abogado ni Padilla, na ang paghahain ng rejoinder affidavit ay tugon sa reply affidavit na isinumite ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) noong Nobyembre 20.

Nanindigan ang kampo ng senador na walang naganap na pagtakas o pagtatago kay Dela Rosa dahil wala namang inilabas na warrant of arrest laban sa kanya ang alinmang lokal na hukuman sa Pilipinas.

(JULIET PACOT)

34

Related posts

Leave a Comment