NASAMSAM ng mga tauhan ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang 696.89 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱4.74 milyon, habang nakarekober din ng 31 baril at nakapagsagawa ng mga pag-aresto sa loob lamang ng 24 oras na anti-criminality operations sa Western Visayas.
Ayon sa ulat na ipinadala sa pambansang punong-himpilan ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, Quezon City, isinagawa ang mga operasyon mula alas-6:00 ng umaga noong Nobyembre 24 hanggang alas-5:59 ng umaga noong Nobyembre 25.
Batay sa Regional Operational Accomplishment Dashboard ng PRO6, nagsagawa ang mga operatiba ng anim na anti-narcotics operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng pitong drug personality at pagkakasamsam ng 696.89 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱4,738,852.
Sa isinagawang simultaneous anti-criminality and law enforcement operations (SACLEO), naaresto rin ang walong wanted person mula sa 11 magkakahiwalay na operasyon. Kabilang dito ang dalawang most wanted at anim na iba pang pinaghahanap ng batas.
Samantala, 30 loose firearms o mga hindi dokumentadong baril ang boluntaryong isinuko sa pulisya, habang isa pang baril ang nakumpiska sa isang operasyon na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng isang suspek.
Nanguna ang Iloilo sa mga lalawigang may pinakamaraming isinukong baril, na umabot sa 17. Sinundan ito ng Antique na may pito, Aklan na may apat, at tig-isa sa Capiz at Guimaras.
Bukod dito, isang baril din ang pansamantalang idineposito sa mga awtoridad matapos ang isinagawang house visitation sa Iloilo.
Pinuri ni PRO6 Director Brig. Gen. Randulf Tuaño ang kanyang mga tauhan sa patuloy na pagsisikap na labanan ang kriminalidad. Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng pakikipagtulungan ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Hinikayat ni Tuaño ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon at boluntaryong pagsuko ng mga hindi lisensyadong baril upang makatulong sa pagpapanatili ng mas ligtas at mapayapang Western Visayas.
(JESSE RUIZ)
57 