KAMARA, NAGLAAN NG P1B SA PROJECT NOAH UPANG PALAKASIN KAHANDAAN SA KALAMIDAD

TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang patuloy na suporta ng Kamara de Representantes sa Project NOAH sa pamamagitan ng P1 bilyong pondong inilaan ng ika-20 Kongreso sa ilalim ng 2026 national budget upang palakasin ang kahandaan ng mga komunidad sa kalamidad at maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.

Ayon kay Dy, ipinakikita ng pondo ang pangako ng Kamara na gamitin ang agham at teknolohiya upang matulungan ang mga lokal na pamahalaan na mahulaan at mapaghandaan ang mga sakuna, mabawasan ang pinsala at makapagsalba ng buhay.

Inihayag ito ng House Speaker sa Speaker’s Night dinner sa unang Philippine Summit on Localizing Climate Change and Nature-Based Solutions, Sustainable Tourism and Creative Industries Development nitong Miyerkules ng gabi.

Ikinuwento ni Dy na kabilang sa mga una niyang nakatagpo matapos manungkulan bilang lider ng Kamara noong nakaraang taon sina University of the Philippines (UP) President Atty. Angelo Jimenez at UP Resilience Institute Executive Director Dr. Mahar Lagmay, na naglahad ng pangangailangan para sa mas malaking suporta ng pamahalaan sa Project NOAH.

Dahil dito, nagsikap ang ika-20 Kongreso na makakuha ng P1 bilyong pondo para sa proyekto bilang suporta sa mga pamamaraang nakabatay sa agham para sa paghahanda sa kalamidad at pagpapalakas ng katatagan laban sa climate change.

“Sa pamamagitan ng agham, teknolohiya, pangangalaga sa kapaligiran at responsableng turismo, makakahanap tayo ng mas mabubuting paraan upang maihanda ang ating mga komunidad at maprotektahan ang ating mga mamamayan,” ani Dy.

Binanggit din ng dating gobernador ng Isabela ang epekto ng matinding tagtuyot sa produksiyong agrikultural at kabuhayan ng mga magsasaka, gayundin ang pinsalang dulot ng pagbaha na nagiging sanhi ng paglikas ng mga pamilya at pagkasira ng kanilang mga tahanan at pinagkukunan ng kita.

“Para sa ating mga magsasaka at ordinaryong pamilya, ang pagbabago ng klima ay hindi lamang usaping pangkapaligiran. Usapin ito ng kanilang kabuhayan, seguridad at kinabukasan,” aniya.

Isinagawa ang summit noong Nobyembre 25-26 sa Isabela Convention Center upang maisalin ang mga pambansang patakaran sa climate change tungo sa mga kongkretong hakbang sa lokal na antas.

Kabilang sa mga tinalakay ang climate-resilient infrastructure, nature-based solutions, disaster risk reduction at sustainable financing.

Kasama rin sa programa ang paglilipat ng mga resilience map ng UP NOAH sa pamahalaang panlalawigan ng Isabela at presentasyon ng mga updated at high-resolution hazard at resilience map.

26

Related posts

Leave a Comment