MGA TANONG UMUSBONG SA BILYONG MACBOOK PROCUREMENT NG DEPED

CLICKBAIT ni JO BARLIZO
UMANI ng mga tanong ang iniulat na P2.2-bilyong pagbili ng Apple MacBooks ng Department of Education (DepEd). Hindi lamang presyo at uri ng gadget ang napansin, nariyan din ang tanong kung naging patas, bukas at malinis ang proseso ng procurement.
Sino ang nagtakda ng mga pamantayan sa bidding? Paano sinuri ang kakayahan ng mga lumahok na supplier? Kumpleto ba ang kanilang mga deklarasyon tungkol sa mga kasalukuyang kontrata sa gobyerno? At higit sa lahat, malaya bang nakapagpasya ang mga opisyal na may tungkuling magsuri at magrekomenda?
Hindi maliit na usapin ang mga ito. Bilyun-bilyong piso mula sa kaban ng bayan ang pinag-uusapan kaya dapat lang bawat sentimong gagastusin ay may malinaw na katwiran at dokumentadong batayan.
Sa mga procurement document na tinukoy, nakalista ang Silicon Valley Computer Group Philippines, Inc. (SVCGPI) bilang Lowest Calculated Bidder sa isa o higit pang lot sa rebidding ng DepEd Computerization Program (DCP) Packages. Binuksan ang mga bid noong Nobyembre 4, 2026.
Kasunod nito, isang liham na walang pirma, na may petsang Nobyembre 7, ang iniulat na ipinadala kay Education Secretary Sonny Angara sa pamamagitan ng Bids and Awards Committee V (BAC V).
Ayon sa liham, may anim umanong kontrata sa gobyerno na hindi isinama ng SVCGPI sa Statement of All Ongoing Government and Private Contracts na isinumite nito.
Kabilang sa mga ahensyang tinukoy ang DepEd Region V, DENR-Mines and Geosciences Bureau Region IV-A, Public-Private Partnership Center, DepEd Region III, Office of the Solicitor General at PEA Tollway Corporation.
Sa dokumentong pinamagatang BAC V Recommendation: Dismissal of the Anonymous Letter on Alleged Undeclared Ongoing Contracts of Silicon Valley Computer Group Phils., Inc., inirekomenda ng BAC V staff na i-dismiss ang liham, itala ang pagtanggap nito at panatilihin sa kanilang mga file.
Kabilang sa mga dahilan ang kawalan ng pangalan ng nagpadala, kawalan ng kalakip na kontrata o purchase order at kawalan ng dokumentong nagpapatunay na ongoing ang mga kontratang tinukoy noong Nobyembre 4.
Binanggit din na ang Facebook post ng PEA Tollway Corporation na tinukoy sa liham ay inilathala lamang noong Nobyembre 5, at hindi nito pinatutunayan ang petsa ng pagpirma sa kontratang inirereklamo.
May batayan ang paghingi ng sapat na ebidensiya bago kumilos ang isang procurement committee. Hindi rin dapat basta paniwalaan ang isang liham na walang pirma at dokumentong sumusuporta sa mga alegasyon.
Subalit hindi ba maaaring gamitin ang mga impormasyong nakasaad dito bilang panimulang batayan para magsagawa ng simpleng beripikasyon sa mga opisyal na rekord?
Kung may anim na partikular na ahensiyang tinukoy, bakit hindi hingan ng kumpirmasyon ang mga ito? Kung walang umiiral na kontrata o hindi naman sakop ng deklarasyon ang mga ito, dapat madaling maipakita ang katotohanan.
Heto pa, pormal na bang inaprubahan ng BAC V ang rekomendasyon ng staff, at ano ang naging resulta ng aktwal na post-qualification?
Mahalaga ang malinaw na paghahati ng tungkulin at pananagutan sa procurement.
Ang end-user office ang tumutukoy sa pangangailangan ng ahensya. Tumutulong ang Technical Working Group (TWG) sa pagsusuri ng mga teknikal na requirement, habang ang BAC ang gumaganap sa mga tungkuling itinakda ng umiiral na procurement laws and regulations.
Ngunit sino ang nagtatakda ng lawak ng pagsusuri sa mga bidder? Sino ang nagpapasya kung sapat ang mga dokumentong isinumite? At ano ang mekanismo kapag may impormasyong maaaring makaapekto sa eligibility ng isang supplier?
Dapat ding linawin kung may external consultants na lumahok sa paghahanda ng technical specifications, procurement planning o iba pang bahagi ng proyekto.
Kung mayroon, ano ang kanilang mandato? Hanggang saan ang kanilang impluwensiya sa proseso? Sino ang may huling kapangyarihang magpasya?
Hindi nangangahulugang may iregularidad dahil lamang may consultants na tumulong sa proyekto. Gayunman, sa isang procurement na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso, kailangang malinaw ang kanilang papel at ang mga safeguard laban sa posibleng conflict of interest.
Hindi dapat magkaroon ng kalituhan kung sino ang nagpapayo at kung sino ang may opisyal na pananagutan sa bawat desisyon.
Maaaring sabihin ng DepEd na dumaan sa tamang proseso ang procurement. Ngunit sapat na ba ang ganitong pahayag kung may mga tanong na hindi pa nasasagot?
Ang pagsunod sa proseso ay hindi lamang tungkol sa pagkumpleto ng mga dokumento. Kabilang dito ang pagtiyak na tama ang impormasyong ginamit sa pagsusuri, patas ang pagtrato sa lahat ng bidder at walang impormasyong binalewala na maaaring makaapekto sa resulta ng bidding.
Dapat maipakita ng DepEd ang mga dokumentong nagpapatunay na pare-pareho ang pamantayang ginamit sa lahat ng lumahok na supplier.
Hindi ito panghihimasok sa trabaho ng procurement officials. Bahagi ito ng kanilang pananagutan sa publiko.
Hindi lamang MacBooks ang isyu rito. Mas malawak na usapin ang paggamit ng pondo ng bayan at sa pananagutan ng mga opisyal na pinagkatiwalaang mangasiwa nito.
Dapat ding tandaan na ang bawat pisong ginagastos sa procurement ay bahagi ng pondong maaari sanang gamitin para sa mga silid-aralan, learning materials, pagsasanay ng mga guro at iba pang pangangailangan ng mga mag-aaral.
Kaya may karapatan ang publiko na malaman kung saan napupunta ang pera nito at kung sino ang mananagot sa bawat desisyon.
Dapat manguna si Angara sa pagtiyak na walang tanong na hindi masasagot.
Ilantad kung paano sinuri ang mga bidder, sino ang nagpasya sa bawat hakbang at anong mga dokumento ang naging batayan ng pagdedesisyon. Pera ng bayan ang nakataya, kaya walang puwang ang paglilihim at pagdududa.
30

Related posts

Leave a Comment