2 PATAY SA ‘CAR FOR SALE HOLDAP’ SA MAKATI

HOLDAP ang sinisilip na motibo sa pagpatay sa dalawang magkamag-anak na biktima na pinagbabaril sa loob ng kanilang sasakyan sa Jupiter St., Brgy. Bel Air, Makati City noong Miyerkoles ng hapon.

Natagpuan ang mga biktimang sina Bonifacio De Vera at Remigia De Vera na wala nang buhay makaraang pagbabarilin sa loob ng kanilang sasakyang puting Toyota Grandia na may plakang ADA-1463, habang nakaparada sa naturang kalye.

Mabilis naman umanong tumakas ang mga suspek na isang lalaki at isang babae, na lulan ng gray na Mitsubishi Mirage na may platakng MDO-1772, patungo sa direksyon ng South Avenue.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakita sa sasakyan ng dalawa ang mga larawan ng sasakyan na nakaimprenta sa bond paper na hinihinalang subject ng bentahan o sanglaan, kaya posibleng may dalang malaking pera ang mga biktima.

Nauna rito, dumating ang mga biktima na sakay ng Grandia at makaraan ang ilang minuto ay dumating naman ang mga suspek na ipinarada ang kanilang sasakyan sa harap ng sasakyan ng dalawa at saka lumipat ang babaeng suspek sa Grandia.

Ilang sandali ang lumipas, bumaba ang babaeng suspek at nakipag-usap sa kasamang lalaki at pagkatapos ay nagtungo ang huli sa loob ng Grandia at pinagbabaril ang mga biktima.

Si Bonifacio ay natadtad ng tama ng bala ang katawan habang si Remigia ay tinamaan ng bala sa kanyang mukha na agad ikinamatay ng mga ito.

Makaraang barilin ang mga biktima, mabilis na bumaba ng sasakyan ang lalaking suspek na dala-dala ang green na Eco bag saka mabilis na tumakas ang mga ito sakay ng kanilang sasakyan patungo sa direksyon ng South Avenue, Makati City.

Nakuha sa crime scene ng Makati SOCO, na pinangungunahan ni P/Lt. Jovelyn Maggay, ang anim na basyo ng balang ipinutok at isang bala ng kalibre .45 baril. (DAVE MEDINA)

339

Related posts

Leave a Comment