NAG-ABISO na si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na maaari nang ituloy ng Pandacan community pantry ang kanilang ginagawang pagtulong sa mamamayang apektado ng COVID-19 pandemic.
Ito ang naging pahayag ng alkalde matapos komunsulta ang organizer ng Pandacan community pantry.
Pansamantala umanong itinigil ang operasyon ng kanilang community pantry dahil sa pangamba para sa kanilang buhay, makaraan ang umano’y ‘profiling’ ng mga pulis ng Manila Police District (MPD).
Ayon sa alkalde, suportado ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang community pantry sa Pandacan at iba pang kahalintulad nito sa lungsod.
Nabatid pa kay Moreno, maaari ring magtungo sa Manila City Hall ang organizer ng Pandacan community pantry upang personal siyang makausap at ilahad ang kanilang concern o sitwasyon.
Sa hiwalay namang pahayag, nilinaw ni MPD director, P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, walang kautusan ang MPD at kahit ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP), para sa pagsasagawa ng ‘profiling’ sa community pantry.
Sa halip, sinabi ng heneral, handa ang MPD na tulungan ang mga mayroong community pantry para sa seguridad nito at sa pagpapatupad ng health protocols kontra sa COVID-19. (RENE CRISOSTOMO)
330 