HINUBARAN sa House Tri-Committee hearing ang dalawang pro-China vlogger na nasa likod ng paninira sa Philippine Coast Guard (PCG) sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Sa kanyang pagharap sa ikaapat na pagdinig ng komite sa fake news, misinformation at disinformation, pinangalanan ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela ang mga binanggit na vlogger na sina Anna Malindog Uy at Ado Paglinawan dahil sa kanilang pro-China post.
Bukod sa paninira at paninisi ng dalawa sa PCG sa komprontasyon sa WPS, idinedepensa din umano ng mga ito ang mga Chinese national na konektado sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at maging ang mga Chinese spies.
“She (Uy) is actually narrating a narrative that it is the (PCG) who rammed the China Coast Guard vessel,” ani Tarriela habang tinawag din umano ni Paglinawan na kabaliwan ang isyu sa WPS at binabatikos ang mga senador dahil iniimbestigahan ng mga ito si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na bukod sa konektado sa POGO ay pinaghihinalaang isa ring Chinese spy.
“Sa loob po ng dalawang taon, nang magsimula po ang ating administrasyon sa pagpa-publicize ng mga incident na nangyayari sa (WPS) ay nakita po natin ang mataas na bilang ng pagtaas ng fake news and disinformation and misinformation pagdating sa usapin ng WPS,” ayon sa opisyal.
Bukod dito, isiniwalat din ni Tarriela ang tatlong sistema sa pagpapakalat na fake news, misinformation at disinformation na kinabibilangan ng mga ‘initiators’, ‘disseminator’ at ‘reposter’.
“The general public is actually the victim. Minsan naniniwala silang walang (WPS), minsan naniniwala silang tayo ay inudyukan lang ng Amerika. Kami daw po ang bumangga sa China Coast Guard. Sinabi nilang CIA ako . . . may tatlong black bag . . . tumatanggap ako ng 4 million U.S. dollars,” ayon pa kay Tarriela.
“Una, they always counter our position in the [WPS]. Secondly, they also defend Alice Guo and the POGO. Third, they are also denying the presence of Chinese spies na nahuli ng NBI (National Bureau of Investigation) ng mga nakaraan,” ayon pa kay Tarriela.
(PRIMITIVO MAKILING)
