INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na wanted sa kanilang bansa.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang dalawang dayuhan ay isang Chinese at isang American na naaresto ng BI Fugitive Search Unit sa Parañaque at Las Piñas.
Si Tansingco ay nag-isyu ng mission orders para sa pag-aresto sa dalawang dayuhan dahil sa kahilingan ng gobyerno ng Tsina at US na tulungan silang mahanap ang kinaroroonan ng mga suspek at maipa-deport ang mga ito.
Kinilala ang Chinese na si Deng Hongfu, 32, naaresto sa C. Santos Street, Brgy. Tambo, Parañaque City, wanted sa economic crimes.
Isang warrant of arrest ang inisyu kay Deng ng Public Security Bureau sa Chibi City, China dahil sa ilegal na pagbebenta ng shares of stocks.
Si Dang ay nasa wanted list din sa BI at may blacklist order dahil sa pagiging undesirable alien. Dumating siya sa Pilipinas noong 2019 at hindi na umalis simula noon.
Samantala, si Mark Andrew Baldwin, 50, ay inaresto sa kanyang bahay sa Angela Village, Brgy. Talon Kuatro, Las Piñas City.
Ayon sa US embassy, nag-isyu ng arrest warrant laban kay Baldwin ang superior court sa Cherokee county, Georgia dahil sa pagdadala nito ng baril.
Isa rin itong undocumented alien si Baldwin dahilan upang i-revoke ang kanyang passport ng State Department. (JOCELYN DOMENDEN)
