NAGPASALAMAT ang Philippine Army kay First Lady Liza Araneta-Marcos sa ipinakitang suporta at malasakit sa kapakanan ng mga sundalo at kanilang mga pamilya.
Sa pangunguna ni Lt. Gen. Antonio Nafarrete, ipinaabot ng pamunuan ng Philippine Army ang kanilang pasasalamat sa First Lady sa pagtutok nito sa kalusugan ng mga kasapi ng Hukbong Katihan.
Nauna nang binigyang-diin ng Unang Ginang ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas maayos na access sa healthcare services para sa mga sundalo at kanilang pamilya, kasabay ng pagkilala sa sakripisyong ginagawa ng mga ito para maprotektahan ang bansa.
Pinangunahan ng First Lady ang turnover ng 11 mobile laboratory vans sa Philippine Army sa isang seremonya sa Taguig nitong nakalipas na linggo.
“Behind every uniform is a Filipino who serves with courage, sacrifice, and love for country,” ani FL Liza.
“Our soldiers care for our nation every day. It is only right that care reaches them, too,” dagdag pa niya.
Ayon sa First Lady, mahalagang mailapit ang healthcare services sa mga sundalo lalo na’t marami sa kanila ang matagal na nakadestino sa malalayong lugar at malayo sa kanilang pamilya.
Sinabi rin niya na makatutulong ang mobile laboratory vans upang mabigyan ng napapanahong medical care at early disease detection ang mga tropa at kanilang mahal sa buhay.
“After all, caring for those who protect us is one meaningful way of honoring their sacrifice,” aniya pa.
Ang donasyong brand-new mobile medical laboratories ay bahagi ng Lab for All Program ng First Lady katuwang ang Robinsons Land Foundation, Inc.
Inaasahang magbibigay ang mga mobile laboratory van ng diagnostic at medical services sa military personnel at kanilang dependents lalo na sa mga nakatalaga sa remote areas.
(JESSE RUIZ)
106 