Pagbasura sa locally-made PPEs sisilipin sa Kamara PINOY WORKERS NILAGLAG PARA SA CHINA

0

(BERNARD TAGUINOD)

NAGKASA ng imbestigasyon ang Makabayan bloc sa mababang kapulungan ng Kongreso upang alamin kung bakit pinaboran ng gobyerno ang pagbili ng personal protective equipments (PPEs) mula sa China kumpara sa gawang Filipino.

Base sa House Resolution (HR) 1735 na inakda ng Makabayan bloc, inatasan ng mga ito ang House committee on trade and industry na magsagawa ng imbestigasyon.

Hindi sinabi ng mga mambabatas kung ilang bilyong piso ang halaga ng PPEs na inaangkat ng Pilipinas sa China subalit kabilang ito sa pinondohan ng Kongreso sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2.

Gayunpaman, imbes na tangkilikin ng gobyerno ang mga locally made na PPEs ay mas gusto ng mga ito na bumili sa China gayung kaya naman umanong magsuplay ng local manufacturers ang pangangailangan ng bansa.

Sa isang press conference anila noong Agosto 2020, sinabi ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) na kayang mag-produce ng Coalition of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP) ng 57.6 milllion piraso ng medical grade N95, N88, KN95 at surgical mask sa isang buwan.

Bukod dito, kaya rin umanong gumawa ng local manufacturers ng 3 milyong piraso ng overalls and gowns at 1.5 milyong square-meter na medical-grade fabric kung kailangan.

“However, despite encouraging the local production of PPEs, the national government still preferred the procurement of imported PPEs from China. This importation preference, which not only affected our much need dollar reserves, also practically elbowed out local manufacturers that the government has asked to repurposed their factories for the anticipated increase demand for PPEs during pandemic,” ayon sa resolution.

Dahil sa pagpabor ng gobyerno sa China ay tinatayang 25,400 manggagawa umano ang nawalan ng trabaho.

Read More

Serye ng operasyon ikinasa ng tropa ni P/BGen. Estomo 2 TULAK, RAPE SUSPECT NALAMBAT NG PRO5

0

HINDI matatawaran ang kahusayan ng tropa ni PRO5 Regional Director, P/BGen. Jonnel C. Estomo, patunay ang panibagong accomplishment makaraang maaresto ang dalawang drug pusher sa Ligao City, Albay, at isang rape suspect sa Pili, Camarines Sur.

Noong Biyernes, Abril 30, alas-4:35 ng gabi sa Brgy. Tinago, Ligao City, Albay, isinagawa ang joint police operation ng mga operatiba ng Ligao CPS, (lead unit), PIU, 2nd PMFC, Albay PPO at CIDG Albay-PFU, sa koordinasyon ng PDEA ROV, para sa implementasyon ng search warrant na inisyu ni Hon. Edwin C. Ma-alamat, presiding judge ng RTC Branch, 5th Judicial Region, Ligao City, Albay, para sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Isinilbi ang search warrant sa bahay ng mga suspek na sina Angelica Aydalla y Bataller at Arnel Serrano y Robrigado na idineklarang armed and dangerous personalities sa lalawigan, dahil sa pagiging drug source at responsable sa pagtaas ng mga kaso ng drug related cases sa Ligao City, Albay.

Nang ipatupad ang nasabing operasyon, nahuli naman sa akto habang umano’y bumabatak ng shabu ang mga adik na sina Jonathan Lucero y Berlin, Ramon Calacday y Valladolid at Jaycel Mark Lovina y Necio.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 23 piraso ng sachet ng umano’y shabu at isang .38 kalibreng baril na may limang bala.

Kinilala naman ni P/BGen. Estomo ang arestadong rape suspect sa Pili, Camarines Sur, na si Bryan Secretario y Oraza, residente ng Zone 2, Brgy. La Purisima Nuevo, Ocampo, Camarines Sur.

Noong Sabado, Mayo 1, dakong 7:50 ng umaga, ang joint operatives ng Pili MPS, Ocampo MPS, 501st RMFB at 1st CSPMFC ay nagsagawa ng intelligence operation upang mahuli ang suspek sa kasong paglabag sa Art. 266-A (rape) ng RPC, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Ma. Luzy B. Torres-Clasio, assisting judge ng RTC Branch 32, 5th Judicial Region, Pili, Camarines Sur. Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa nasabing suspek.

Ayon sa record ng korte, ang suspek ay nagtago ng halos isang taon makaraang gahasain ang isang dalagitang si alyas “Mila” ngunit sa pagsusumikap ng PNP-PRO5 ay nadakip ito sa pinagtataguan sa Pili, Camarines Sur. Ang suspek ay nasa pansamantalang kustodiya ng Pili MPs lock-up jail

Read More

ALAMINOS MAYOR PUMANAW SA COVID-19

0

LAGUNA – Pumanaw dahil sa coronavirus disease (COVID-19) si Alaminos, Laguna Mayor Eladio Magampon.

Sa official Facebook page ng alkalde, inihayag na sumakabilang buhay ang alkalde noong Linggo ng umaga matapos magpositibo sa COVID-19.

Ang alkalde ay pumanaw, anim na araw bago ang kanyang ika-77 na kaarawan sa Mayo 8.

Nagluluksa ngayon ang buong bayan ng Alaminos sa pagpanaw ng kanilang mayor na isa ring doktor.

Si Mayor Magampon ang ikalawang mayor ng Laguna na nasawi dahil sa nakahahawang sakit.

Noong Marso 29, pumanaw rin dahil sa COVID-19 si Famy Mayor Edwin V. Pangilinan sa edad na 53. (NILOU DEL CARMEN)

Read More

RIDER PATAY SA NAG-OVERTAKE NA TRUCK

0

CAVITE – Patay ang isang motorcycle rider nang banggain ng isang truck nang tinangka ng driver ng huli na mag-overtake ngunit may nakasalubong na isa pang sasakyan sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, nitong Lunes ng madaling araw.

Isinugod pa sa Estrella Hospital ang biktimang si Jaypee Gonzales, 31, ngunit idineklarang dead on arrival habang hawak na ng pulisya ang driver ng isang Isuzu truck na may plakang ABJ-8622, na si Arnold Andres, 25-anyos.

Ayon sa ulat ni Pat. Ralph Jayson Santos ng Silang Police, dakong alas-12:05 noong Lunes ng madaling araw nang mangyari ang insidente.

Kapwa binabagtas ng biktima at suspek ang kahabaan ng Tagaytay-Sta Rosa Road patungo sa south direction ngunit pagsapit sa Brgy. Tartaria, Silang nang tinangka ng driver ng truck na mag-overtake.

Ngunit nakasalubong ng truck ang parating na isang sasakyan kaya upang makaiwas ay pumihit kaya nabangga ang minamanehong motorsiklo ng biktima. (SIGFRED ADSUARA)

Read More

Bangka lumubog, mag-aama nalunod TRAHEDYA SA PIYESTA

0

LAGUNA – Nalunod ang branch manager ng isang pawnshop at ang dalawa nitong anak habang nakaligtas ang apat na iba pa nang lumubog ang sinasakyang bangka sa Laguna Lake makaraang dumalo sa piyesta noong Sabado ng hapon.

Kinilala ng hepe ng Los Baños Police na si P/Col. Jaycon Ramos ang mga nalunod na sina Renato Parabuan Gaylon, 48, branch manager ng Cebuana Lhuillier; King Richard Escala Gaylon, 20, at John Laurence Jarinio Escala Gaylon, 15-anyos.

Habang nakaligtas naman sina Mark Christian Gaylon, Ruiz Gaylon, 15; Joel Maranan, may-ari ng bangka, at asawa nitong ng si Zeny, pawang mga residente ng Brgy. Timugan, Los Baños, Laguna.

Base sa imbestigasyon ni Cpl. Laurence Lumbres, nangyari ang insidente bandang alas-4:45 ng hapon sa Talim Island, Rizal habang pauwi na ang mga biktima mula sa pagdalo sa piyesta at pabalik na sa Los Baños.

Napag-alaman, nawalan ng balanse si John Laurence habang naglalaro sa tubig kaya nahulog ito sa bangka.

Tinangkang namang sagipin ni King Richard si John Laurence ngunit nang makita ni Renato na nalulunod na ang dalawa ay tumalon din ito upang iligtas ang mga anak.

Ngunit sa kasamaang palad, hindi kinayang makaahon ng tatlo sa Laguna Lake.

Nag-panic naman ang iba pang mga pasahero ng bangka naging dahilan ng paglubog nito.

Agad nagsagawa ng rescue and retrieval operation ang Los Baños Coast Guard at Municipal Risk Reduction Management Council at nasagip ang apat sa mga pasahero ng bangka.

Ngunit araw na ng Linggo nang matagpuan ang bangkay ng tatlong mga biktima. (CYRILL QUILO)

Read More

Dalawang ulit sumablay sa pagpatay SECURITY GUARD HIMAS-REHAS

0

CAVITE – Arestado ang isang 28-anyos na security guard na dalawang beses sumablay sa tangkang pagbaril sa site supervisor matapos umanong ipatanggal sa trabaho ang pinsan nito, sa bayan ng Silang, sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.

Nahaharap sa kasong attempted murder ang suspek na si Aljon Dagium Mabandos, 28, dahil sa reklamo ni Joshua Tianzon, 34, isang site supervisor.

Ayon sa ulat ni Pat. Ralph Jason Santos ng Silang Police, bago ang insidente, nagsasagawa ng inspeksiyon ang biktima sa isang construction site sa Purok 4, Brgy. Biga 2, Silang Cavite dakong alas-9:40 noong Linggo ng gabi.

Ngunit bigla umano itong nilapitan ng suspek na sekyu at tinutukan ng baril ngunit hindi pumutok,

Tumakbo ang biktima patungo sa isang police checkpoint ngunit hinabol ng suspek at nang makorner ay muling tinutukan ng baril at kinalabit gayunman ay hindi pa rin pumutok hanggang sa madakip ng mga pulis.

Ayon kay Pat. Santos, galit ang suspek sa biktima matapos umanong ipatanggal ng huli sa trabaho ang pinsan ni Mabandos na isa ring sekyu. (SIGFRED ADSUARA)

 

Read More

5,754 DAGDAG NA CONTACT TRACERS SA NCR

0

LUMAGDA sa kasunduan noong Sabado (Labor Day) ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na kinabibilangan ng DILG, DOLE, at MMDA para sa deployment ng 5,754 na bagong contact tracers para sa National Capital Region.

Bilang bahagi ng pinaigting na contact tracing effort ng pamahalaan, nagkasundo ang mga nasabing ahensya sa implementing guidelines para sa hiring, training, at deployment ng 5,754 contact tracers (CTs) sa NCR.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, ang nasabing bilang ng contact tracers ay mas marami ng 1,000 sa 4,754 CTs na naunang ipinangako ng DOLE na kanilang i-empleyo sa ilalim ng kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers or TUPAD Program (TUPAD).

“We thank DOLE for allocating more funds for the hiring of contact tracers. Sa tulong ng inisyatibong ito, mapipigilan natin ang patuloy na pagkalat ng coronavirus habang binibigyan ng hanapbuhay ang ating mga kababayang lubhang naapektuhan ng pandemiya,” pahayag ni Sec Año.

Kabilang sa virtual signing nuong Sabado sina DOLE Secretary Silvestre Bello III, MMDA Chairman Benjamin Abalos Jr. at SILG Eduardo Año. (JESSE KABEL)

Read More

DAYUHAN, EXPATS KASAMA SA BINAKUNAHAN

0

KABILANG na sa mga nabakunahan sa ilalim ng vaccination program ng gobyerno ang ilang mga dayuhan at expats.

Sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez, may foreign nationals nang nakatanggap ng bakuna na nasa A2 at A3 category.

Aniya, bahagi rin ito ng reciprocity o pagsusukli sa ginagawa namang pagbabakuna ng mga dayuhang bansa sa ating mga OFW para mabigyan ng proteksiyon sa COVID-19.

Dahil dito, inilakip din ng gobyerno ang mga dayuhan at expats na makinabang sa pagbabakunang ginagawa ng pamahalaan.

Samantala, nitong huling pag-uulat kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ni DOH Secretary Francisco Duque ay sinabi nitong nasa halos dalawang milyon na ang nabakunahang indibidwal subalit hindi naman nabanggit kung ilan dito ang dayuhan. (CHRISTIAN DALE)

Read More

PAGPATAY KAY CUI PINASISIYASAT NI PDU30

0

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagpatay kay government consultant Mariano Antonio “Marton” Cui III sa San Carlos City, Negros Occidental noong nakaraang buwan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng San Carlos City Police Station, napag-alaman na lumabas si Cui sa kanyang opisina at pasakay na sa kanyang sasakyan kasama ang dalawang bodyguard nang maganap ang krimen.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, mariing tinuligsa ni Pangulong Duterte ang pagpatay kay Cui, na nagsilbi rin bilang chief-of-staff ni dating Negros Occidental first district Representative Jules Ledesma.

“Nakikiramay po ang presidente sa pamilya at sa mga taga-Negros dahil alam po namin na mahal si Mr. Cui sa buong probinsiya ng Negros,” pahayag ni Sec. Roque.

Samantala, sinabi ni P/Lt. Roby Aurita, deputy station commander ng San Carlos City Police Station na narinig na lamang ng mga bodyguard ang biglang pag-aray ng biktima at doon na nakita na mayroon na itong tama ng bala sa dibdib.

Ayon kay Aurita, walang narinig na putok ng baril ang mga bodyguard kaya pinaniniwalaan na gumamit ng sniper at silencer ang salarin. (CHRISTIAN DALE)

Read More