2022 PARA SA LGUs

SA pagsasabatas ng Local Government Code taong 1991, malinaw ang hangaring bigyang poder ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapasya kung ano ang dapat pagtuunan ng pansin, batay na rin sa sentimyento at pangangailangan ng mga mamamayan.

Makalipas ang 30 taon, ang Republic Act 7160 ay nanatiling dekorasyon na tila ba bahagi lang ng makapal nang ­aklat ng mga panukalang ipinasa ng ­Kongreso – bagay na ayon sa gobyerno ay tuluyang matutuldukan sa pagpasok ng taong 2022 na siyang hudyat ng pagsasakatuparan ng tinatawag na devolution o paglilipat ng mga poder mula sa nasyunal pababa sa LGUs.

Ang siste, marami ang nakukulangan. Sa rami ng “devolved functions,” hindi anila sapat ang 30% dagdag sa kanilang Internal Revenue Allotment (IRA).

Hindi masama ang layunin ng Local Government Code, lalo pa’t binigyang karapatan ang LGUs na magpasya kung ano ang nararapat na mga programa’t proyekto sa kanilang lokalidad.

Ang problema nga lang, tanging mga maunlad na LGU, kabilang ang mga lungsod, 1st and 2nd class municipalities lang ang masaya. Ang mga bayang klasipikadong 3rd, 4th at 5th class municipalities ay pawang problemado.

Halimbawa na lamang ay ang pagpapagawa ng mga landfill (tambakan ng basura). Para sa isang munisipalidad na mayroon lamang P100 milyong local revenue, nangangahulugang dagdag P30 milyones lang ang kanilang matatanggap – hindi man lang sumapat para sa isang maayos na solid waste facility na obligado ang bawat LGU na magkaroon batay na rin sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.

Paano na ang iba pang mga pangangailangan tulad ng tulay, farm-to-market road, pagamutan, paaralan at iba pa?

 

133

Related posts

Leave a Comment