3 HACKERS NG BANKS, PRIVATE AT GOV’T WEB SITES NABITAG

INARESTO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division (NBI-CCD), ang tatlong indibidwal dahil sa pag-hack ng private and government websites, banks, at Facebook accounts, noong Hunyo 14, 2024.

Nag-ugat ang kaso mula sa ilang mga impormasyon tungkol sa kamakailang mga insidente na kinasangkutan ng maraming hindi awtorisadong pagtatangka na ma-access, at paglabag sa pribado at government websites.

Ayon sa NBI, sinubaybayan ng CCD ang galaw ng mga hackers na sina alyas “Kangkong”, “Mirasol”, “Sibat”, “Ricardo Redoble”, at “Illusion”.

Sinubaybayan din ng mga operatiba ang online activities ng mga ito at nangalap ng datos mula sa iba’t ibang sources tulad ng social media, forums at public databases upang magtatag ng pattern at koneksyon na naka-link sa mga aktibidad ng mga hacker.

Noong Hunyo 14, nagkaroon ng initial contact sa mga hacker sa pamamagitan ng isang impormante.

Sumang-ayon ang isang suspek na makipagkita at sinabi sa impormante na mayroon siyang proyekto at isasama niya ito at ang mga detalye ay tatalakayin sa kanilang pagpupulong.

Hunyo 17, nagpadala ang hacker na si alyas “Kangkong” ng compressed file na naglalaman ng database ng BELO.

Nagpadala rin ito ng mga na-hack na Facebook account na kinabibilangan ng mga email address at password na ipinapahiwatig na matagumpay na na-access ng mga suspek ang data base ng BELO.

Kinahapunan, isang meet-up ang itinakda sa mga suspek sa isang hotel sa Maynila.

Dito naaresto sina Kangkong at Illusion sa isinagawang hot pursuit operation.

Sa pagsisiyasat sa nakumpiskang phone sa isa sa mga suspek, nakita ang mga script at database na nakuha mula sa LGU at iba’t ibang website ng gobyerno pati na rin ang mga kredensyal ng mga gumagamit ng FB.

Naglalaman din ang phone ni Illusion ng mga datos na may kauganyan sa na-hack na mga bangko kabilang ang Philippine National Bank, Security Bank, Banco de Oro at Union Bank.

Itinatampok ng mga ito ang lawak ng digital assets at sensitibong impormasyong naa-access ng mga suspek na nagtuturo sa mga potensyal na paglabag sa cybersecurity at mga illegal na aktibidad.

Dinala ang mga suspek sa NBI-CCD Office sa Quezon City para sa standard operating procedures at ininarap sa bagong upong NBI Director na si Judge Jaime ( Jimmy) Santiago.

Inirekomenda ang pagsasampa ng kasong Illegal Access sa ilalim ng Section 4(a)(1) at Misuse of Device sa ilalim ng Section 5(iii) ng RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012, gayundin ang Unauthorized Access o Intentional Breach o Data Privacy Act of 2012.

Ang ikatlong suspek na si alyas “Allan 10k” ay kakasuhan sa pamamagitan ng direct filing.

Lahat ng mga suspek ay miyembro ng dalawang malaking grupo ng hacking—ang Philippine Lulzec at Globalsec. (RENE CRISOSTOMO)

291

Related posts

Leave a Comment