4 Chinese arestado,1 napatay P1.482-B SHABU NASABAT SA SERYE NG DRUG OPS

UMABOT sa P1.482 bilyong halaga ng hinihinalang shabu o methamphetamine hydrochloride, ang nasamsam sa sunod-sunod na anti-drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency katuwang ang Philippine National Police, na ikinamatay ng isang Chinese national noong Linggo, Agosto 1, sa Quezon City, Valenzuela City at Balagtas, Bulacan.

Ayon sa ulat na nakarating kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, arestado sa pinagsanib na operasyon ng PDEA at PNP ang apat na Chinese nationals habang napatay ang ikalimang suspek matapos makipagbarilan sa mga alagad ng batas.

Naniniwala si PDEA Dir. Gen. Wilkins Villanueva na magkakaugnay ang operasyon sa ilegal na droga ng arestadong Chinese citizens.

Napatay sa ikinasang anti-narcotics operation sa Barangay Santol sa Balagtas, Bulacan si Wu Zishen, 50, at narekober ang 75 kilo ng shabu na P510 milyon ang halaga, at kalibre .45 pistola.

Nakatakas naman ang isang pang Chinese national na kinilalang si Chen Hongli.

Habang sa Barangay San Bartolome sa Novaliches, Quezon City, 127 kilo ng shabu na tinatayang P863.6 milyon ang halaga, ang narekober mula kina Willue Lu Tan, Anton Wong at Chen Zhin.

Aabot naman sa 15 kilo ng shabu na P102 milyon ang halaga, ang nabawi mula kay Joseph Dy sa operasyon sa Barangay Paso de Blas sa Valenzuela City.

Sasampahan ng kasong drug trafficking ang arestadong mga suspek alinsunod sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, inihayag ni PNP chief, P/General Guillermo L. Eleazar, “Base sa paunang imbestigasyon, sila ang nagpapakalat ng droga dito sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan. Patuloy ang ating imbestigasyon at intelligence gathering operations upang matukoy natin kung sino ang lider at utak ng sindikatong ito at para mahuli na rin ang iba pa nilang kasama sa grupo.”

Pinapurihan niya ang mga operatiba ng PNP at PDEA na nagkasa ng serye ng mga operasyon kontra ilegal na droga at ipinunto na “This is a huge blow against the illegal drug trade dahil malaki ang posibilidad na ang sindikatong ito ang isa sa main suppliers ng ilegal na droga dito sa Kamaynilaan at mga karatig probinsiya.”

Pagtitiyak pa ng PNP chief, “Hinding-hindi titigil ang PNP at PDEA hangga’t hindi namin tuluyang napapatigil ang kanilang operasyon.” JESSE KABEL/NELSON S. BADILLA/ELOISA SILVERIO)

135

Related posts

Leave a Comment