OPISYAL NG ASG NAKAPASOK SA PNP

MAHIGPIT na iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief, P/General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa Internal Affairs Service na madaliin ang dismissal proceedings laban sa isang non-uniformed personnel sa Sulu na nadiskubreng finance and logistics liaison officer ng Abu Sayyaf Group.

Inihayag ni P/Gen. Eleazar, noong Biyernes, Hulyo 30, ay dinakip ang NUP na si Masckur Adoh Patarasa, nakatalaga sa Banguingui Municipal Police Station sa Sulu, na pakay ng arrest warrants dahil sa pitong kaso ng kidnapping and serious illegal detention.

Sinasabing si Patarasa ay ipinaaaresto rin sa ilalim ng Martial Law Arrest Order no. 1 sa kasagsagan ng Marawi siege noong 2017.

Ayon kay Gen. Eleazar, “Inatasan ko ang IAS na madaliin ang summary dismissal proceedings upang agad na matanggal bilang NUP si Patarasa habang hinaharap sa korte ang patong-patong na kaso laban sa kanya”.

Sinabi pa ng PNP chief, gumugulong na ang malalimang imbestigasyon upang malaman kung may iba pang mga tauhan ng PNP ang may kaugnayan o miyembro rin ng Abu Sayyaf.

“Patuloy ang imbestigasyon kay NUP Patarasa para malaman kung mayroon pang ibang PNP personnel na kasapi ng bandidong Abu Sayyaf Group,” ayon kay P/Gen. Eleazar.

“Hindi malayo ang posibilidad na may iba pa siyang kasama kaya dito nakatutok ang ating follow-up investigation. Kasabay nito, aalamin din natin kung ano-ano ang mga kasong kinasangkutan nila,” dagdag pa ng heneral.

Sinabi pa ng PNP chief, “Atin ding aalamin kung paano nakapasok sa PNP itong si Patarasa na sangkatutak pala ang mga arrest warrant at kasong kinakaharap kaugnay ng kanyang pagiging miyembro ng Abu Sayyaf.”

Nabatid na miyembro ng Abu Sayyaf si Patarasa mula noong 2001.

Sa kaso ni Patarasa, binigyang diin ni P/Gen. Eleazar ang kahalagahan ng paglilinis sa hanay ng pulisya mula sa proseso ng recruitment, sabay giit na “Isa ito sa mga dahilan kung bakit sinasala nating mabuti ngayon ang mga pumapasok sa PNP, mapa-pulis o civilian employee.” (JESSE KABEL)

162

Related posts

Leave a Comment